Tigil-pasada lalarga na

Pangungunahan ng mga miyembro mula sa Piston, ACTO, Stop and Go Coalition at Alyan­sa Kontra PUV Phase Out ang nasabing nationwide transport strike.
Boy Santos

MANILA, Philippines — Kasado na ang mala­wakang tigil pasada na isasagawa ngayong Lunes ng iba’t ibang transport groups sa bansa bilang protesta sa nakaambang jeepney modernization program na gustong ipatupad ng gobyerno.

Pangungunahan ng mga miyembro mula sa Piston, ACTO, Stop and Go Coalition at Alyan­sa Kontra PUV Phase Out ang nasabing nationwide transport strike.

Ayon sa grupo, alas-12:01 pa lang ngayong madaling araw ng Lunes ay hindi na papasada ang 97 porsiyento na miyembro ng naturang mga organisasyon sa buong bansa.

Sinabi ni Efren de Luna, national president ng ACTO na, mariin nilang tinututulan ang panukalang phase out ng jeepneys at UV express bilang bahagi ng modernization program ng gobyerno sa Public Utility Vehicle (PUV).

Ayon kay de Luna, aabutin ng higit P2 milyon ang kakailanganin ng mga jeepney driver para mapalitan ang lumang jeep nila. 

Dinagdag ni de Luna na sa naturang programa ay lalo lamang mababaon sa pagkakautang o lending institutions ang mga operator ng mga pampublikong sasakyan para sa pagsasamoderno ng kanilang mga sasakyan lalo na at lugi sila sa taas na ng halaga ng unit ng mga modernized jeepney.

Wala naman uma­nong tulong ang gob­yerno para pondohan ang nasabing programa at walang pinapautang sa kanila para maipambili ng bagong sasakyan.

Hiling ng ACTO na suspendihin ang moder­nization program. 

Samantala, nagbanta naman ang Land Franchising Regulatory Board (LTFRB) na tatanggalan ng prangkisa at paparusahan ang mga driver at operator ng PUJ at PUVs na sasali sa tigil pasada.

Tiniyak naman ng LTFRB at DOTr na nakikipag-ugnayan na sila sa iba pang sangay ng gobyerno tulad ng MMDA at mga lokal na pamahalaan na mayroong itong nakaantabay na contingency measures para maibsan ang epekto ng welga sa mga mana­nakay.

Sinabi rin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Guillermo Elea­zar na naka-monitor ang kanilang hanay sa isasagawang transport strike.

Dagdag pa ni Eleazar, may direktiba sa lahat ng police district na ihanda ang mga truck at sasakyan ng mga pulis sakaling kailanganin ng mga pasaherong maaapektuhan ng tigil-pasada.

Dahil sa inaasahang epekto ng tigil-pasada ay nagsuspinde na ng klase ang mga sumusunod na lungsod at probinsiya. 

Suspendido ang klase sa lahat ng antas sa Pasay City; Bacolod City; Pampanga; Sta. Cruz, Laguna; Majayjay, Laguna; Mapua University (Intramuros at Makati); Roxas, Capiz; at Talisay, Negros Occidental.

Nagsuspinde rin ng klase ang lungsod ng Maynila ngunit para sa kolehiyo at graduate school lamang, at hindi kasama rito ang elementarya at high school, sa katwirang nakatira lamang ang mga ito malapit sa kanilang paaralan.

Sa panig naman ng Department of Education (DepEd), ipinapaubaya na nila sa mga lokal na pamahalaan ang pagsuspinde sa mga klase. (Mer Layson dagdag ulat ni Ludy Bermudo)

 

Show comments