MANILA, Philippines — Lumakas pa ang bagyong Onyok habang kumikilos pahilagang kanlurang bahagi ng bansa kahapon.
Alas-5 ng hapon, si Onyok ay namataan ng PAGASA sa layong 890 kilometro silangan ng Tuguegarao City, Cagayan at patuloy ang pagkilos pahilagang kanluran sa bilis na 35 kilometro bawat oras.
Taglay ni Onyok ang lakas ng hangin na umaabot sa 75 kph at pagbugso na 90 kph.
Bunga nito, nakataas ang babala ng bagyo bilang isa sa Batanes at Babuyan Islands.
Si Onyok ay pang 15 bagyo na pumasok sa bansa.
Magdadala ito ng kalat kalat na katamtamang pag-ulan sa Bicol Region at Eastern Visayas.
Bagamat hindi inaasahang babagsak sa lupa si Onyok, patuloy namang binabalaan ng PAGASA ang mga nakatira sa nabanggit na mga lugar na mag-ingat sa posibleng pagbaha at pangguho ng lupa.
Inaasahan namang lalabas na ng bansa ang bagyo sa Martes.