Trillanes ipinatatawag ng DOJ sa 'kidnapping' case na inihain ng negosyante
MANILA, Philippines — Ipinatatawag ng Department of Justice si dating Sen. Antonio Trillanes IV, kasama ang tatlong iba pa, para sa isang preliminary investigation kaugnay ng kasong inihain ng isang negosyante mula Davao.
Sa subpoena na ipinadala kay Trillanes, sinabing paglabag sa Article 267 ng Revised Penal Code, o "kidnapping and serious illegal detention," ang kanyang kakaharapin.
"You are hereby directed to submit your counter-affidacits and supporting documents," ayon sa dokumentong nilagdaan ni assistant state prosecutor Gino Paolo S. Santiago.
Mangyayari ang imbestigasyon sa ika-11 ng Oktubre.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN, sinabi ni Guillermina Barrito na dinukot at ipiniit siya ng dalawang linggo noong Disyembre 2016 nina Trillanes, abogadong si Jude Sabio, paring si Albert Alejo at isang "sister Ling" ng Convent of the Cannusian Sisters.
Pinapapirma rin daw si Barrito sa inihandang affidavit na nagdidiin kay Pangulong Rodrigo Duterte at kanyang pamilya kaugnay ng murder, katiwalian, Davao Death Squad at iligal na droga.
'Hindi nakita kahit kailan'
Samantala, itinanggi naman ni Trillanes ang mga bagay na ipinupukol sa kanya.
Tulad ni Peter Advincula, alyas "Bikoy," lumapit daw si Barrito sa mga reliyoso para humingi ng tulong kaugnay ng mga impormasyong hawak niya raw laban sa presidente.
"Klaro na isa na naman itong gawa-gawang alegasyon mula sa administrasyong Duterte," wika ng dating senador sa isang pahayag sa Inggles.
Humingi na rin daw ng tulong ang babae sa ilang Pilipino abroad para suportahan ang kanyang laban, ngunit natigil daw ang pagtanggap ng pera nang makahalata ang mga nagpapadalang "nag-iimbento" at "nangingikil" lang siya.
"Bigla na lang siyang bumaliktad at sinabing pinepwersa siya ng mismong mga taong tumulong sa kanyang magtago," patuloy ni Trillanes.
Sa huli't huli, nanindigan siyang desperadong hakbang ito ng presidente para gipitin at patahimikin ang oposisyon. — James Relativo
- Latest