MANILA, Philippines — Nagbanta ng strike ang mga empleyado ng St. Luke's Medical Center sa Bonifacio Global City, Taguig laban sa pamunuan ng ospital buhat ng pagharang diumano nito sa kalayaan nilang mamili ng kakatawan sa kanila sa collective bargaining negotiation.
Sa isang pahayag, sinabi ni Sherwin Moscosa, presidente ng St. Luke’s Medical Center (BGC) Employees Union – Independent, na binawela raw ng St. Luke's ang kautusan ng DOLE na makapagdaos sila ng certification election o CE, at sa halip, piniling makipag-usap sa Alliance of Filipino Workers.
"Ang kalayaan naming mga empleyado na maghalal ng unyon na kakatawan sa aming interes bilang mga manggagawa ay niyurakan at nilabag ng management ng St. Luke’s nang piliin nitong makipag-negotiate sa [AFW]," ani Moscosa.
Iniutos na raw ng DOLE, sa pamamagitan ni Med-Arbiter Joel Petaca, na magsagawa ng CE noong ika-22 ng Hulyo ngunit hinabol ito ng AFW.
Aniya, ipinagbabawal daw ng Article 256 ng Labor Code na gawin ito habang may petisyon pa para makapagdaos ng CE.
"Isa itong porma ng unfair labor practice," sampit pa ni Moscosa.
Nakabinbin pa rin sa tanggapan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang kaso ng CE at 'di pa napagdedesisyunan.
Kaninang umaga, pormal nang naihain ng ang unyon ng kanilang notice of strike sa Department of Labor and Employment.
Sabwatan?
Paratang pa ng grupo, nagkokontyabahan ang opistal at AFW upang hindi maitulak ang totoong hiling ng mga empleyado.
"Klarong nagsabwatan ang management ng St. Luke’s at AFW upang ipuslit ang isang kaduda-dudang CBA at patuloy na manatili sa puwesto ang nasabing pederasyon at humamig ng milyon-milyong piso mula sa butaw at mga special assessments o bayarin mula sa CBA," patuloy ng lider-unyonista.
Samantala, ipinagtataka naman daw ni Gie Revola ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino kung bakit "hindi maintindihan" ng St. Luke's na kailangang respetuhin ang demokratikong karapatan ng mga empleyado.
"Humantong man sa kung anong porma ng pagkilos gaya ng welga ang mga manggagawa ng St. Luke’s sa BGC, ang buong puwersa ng BMP ay asahan nang magiging kakapit-bisig ng mga manggagawa," ani Relova.
Taong 2014 nang isama ng Diplomatic Council, isang think tank na nakabase sa The Hague, Netherlands, ang St. Luke's sa BGC at Quezon City sa 20 pinakamahuhusay na ospital sa mundo.
Hinirang din ito ng HealthExecNews.com bilang ika-11 "pinakamagagandang ospital sa mundo" noong 2012.
Nangako na ng tugon ang pamunuan ng ospital sa PSN ngunit naghihintay pa rin daw ng "green light" bago makapaglabas ng press release hinggil sa isyu.
Bukas ang espasyong ito upang mailathala ang kanilang panig.