MANILA, Philippines — Hindi raw basta maisisisi sa vaccine scare dulot ng Dengvaxia ang panunumbalik ng polio sa Pilipinas, paglilinaw ng World Health Organization ngayong Miyerkules.
Ayon kay Dr. Rabindra Abeyasinghe, kinatawan ng WHO sa Pilipinas, bago pa man iugnay sa dengue vaccines ang pagkamatay ng ilang bata ay matagal nang bumababa ang polio immunization sa bansa.
"Ang vaccine coverage para sa polio nasa 70% lang bago pa man mangyari ang Dengvaxia," pagbabahagi ni Abeyasinghe ngayong umaga sa Inggles.
"So, ilang taon nang high risk sa panunumbalik nito ang Pilipinas."
Kasalukuyang nasa 66% lang ang oral polio vaccine coverage sa Pilipinas: "Malayo ito sa 95% target na kailangan para masigurong protektado sa polio ang buong populasyon," sabi ni Health Secretary Francisco Duque III sa isang press briefing
Una nang iniugnay ni Duque sa takot sa Dengvaxia ang pagbaba ng bilang ng mga nagpapabakuna.
Sa isang press briefing noong Biyernes sinabi ng kalihim sa Kalusugan na "record all-time" ang vaccine hesitancy kasunod ng takot sa Dengvaxia.
Mula sa 93% na vaccine confidence noong 2015, bumulusok daw kasi ito sa 32% noong 2018, ayon sa pag-aaral ng London School of Hygiene and Tropical Medicine.
"Pero uulitin ko lang uli, hindi lang ang isyu ng Dengvaxia ang nag-ambag sa sitwasyong ito," ani Abeyasinghe.
"But let me reiterate again, it's not only the Dengvaxia issue that has contributed to this situation."
Paniniguro pa niya, ligtas gamitin ang bakuna sa polio at WHO-prequalified, kaiba sa Dengvaxia.
Pilipinas 'polio-free' pa rin
Sa kabila ng kumpirmasyong may dalawa nang kaso ng vaccine-derived poliovirus type 2 sa Pilipinas, nananatili pa rin daw na "polio-free" ang bansa.
"Nananatiling polio-free ang Pilipinas, dahil kapag sinasabi 'yan ng WHO, ang ibig natin sabihin ay wala pa rin tayong 'wild polio virus,'" pagpapatuloy ni Abeyasinghe.
Ang huling kaso raw ng wild polio virus sa Pilipinas ay naitala noong 1993.
Taong 2000 nang sertipikahan ng organisasyong polio-free ang bansa.
Tanging ang Afghanistan at Pakistan na lamang ang natitirang mga bansa sa mundo kung saan merong wild-polio vaccine.
Unang pumutok uli ang polio sa isang 3 taong-gulang na batang babae sa Lanao del Sur noong ika-14 ng Setyembre.
Inanunsyo naman noong ika-19 ng Setyembre ang ikalawang kaso ng polio sa isang 5-anyos na batang lalaki sa probinsya ng Laguna.
Ayon sa DOH, mababa lang ang posibilidad na mahawa ng polio ang mga nakatatanda dahil sa mas malakas na resistensya kumpara sa mga bata.
Ano ba ang vaccine-derived poliovirus?
Ang vaccine-derived poliovirus ay nagmumula sa bakuna kontra-polio na dumaan sa genetic changes.
Karaniwang namamatay ang pinahinang virus matapos nitong lumabas sa katawan ng binakunahan.
Pero maaari itong kumalat at mabuhay sa mga komunidad na kulang sa kalinisan at immunization, hanggang ito'y maging circulating vacine-derived poliovirus, bagay na maaaring ika-paralisa. Bihira ito mangyari.
Hindi na rin bago ang pagkakaroon ng mga outbreak ng VDPV. Kamakailan ay nangyari ito sa mga bansa gaya ng Papua New Guinea at Tsina, at noon sa Laos.
"Madalas itong mangyari dahil kulang ang sinasaklaw ng bakuna. Nakalulungkot dahil malayo sa satisfactory levels ang vaccine coverage sa Pilipinas," sabi ng WHO representative.
Tatlong doses ng oral polio vaccine ang karaniwang ibinibigay sa mga bata, ang panghuli ay may kasamang turok — na sa kasalukuyan ay 40% lang ang coverage sa Pilipinas.
Iminumungkahi ngayon ng WHO ang tuloy-tuloy na pagbabago upang maabot ang mataas na antas ng proteksyon sa lahat ng bata upang maiwasan ang mga susunod pang outbreak ng sakit.