MANILA, Philippines – Ito ang reaksyon ni Deputy Speaker Bro. Eddie Villanueva ng CIBAC partylist sa alegasyon ni Senador Ping Lacson na tatanggap umano ang mga Deputy Speaker ng Kamara de Representante ng dagdag na bilyong pondo sa ilalim ng P1.4 trillion national budget para sa taong 2020.
Ayon kay Villanueva, walang basehan at hinugot lamang sa hangin ang mga paratang ni Lacson.
“Bilang Deputy Speaker for Good Governance and Moral Uprightness, with due respect to Sen. Lacson, ang kanyang alegasyon na may plano daw na bigyan ng P1.5 billion ang mga Deputies ng House of Representatives ay isang malaking kasinungalingan. It is a big, big lie!” sabi pa ni Villanueva.
Sinabi rin ni House Majority Leader Martin Romualdez na walang katotohanan ang mga alegasyon ni Lacson at hiniling sa senador na pangalanan niya ang pinagkuhanan ng maling impormasyon.
Ayon naman kay Senior Deputy Majority Leader Jesus Crispin Remulla, nagtataka siya kung saan nakuha ni Lacson ang mga paratang niya na para bang ang punto ay siraan lamang ang imahe ng Kamara de Representante, sa halip na makipagtulungan na lamang para maisulong ang mga programang reporma ng Pangulo.
“Ginugulo niya (Sen. Lacson) ang sitwasyon. Gusto niyang pagandahin ang imahe ng Senado habang sinisira ang pagtingin ng mga tao sa Kamara. Ayaw niya kaming magtagumpay,” ani Remulla.
Idiniin naman ni Capiz Cong. Fredenil Castro na ang naaprubang national budget sa ilalim ng House Bill No. 4228 o ang 2020 General Appropriations Bill (GAB) ng Kamara sa third and final reading noong Sept. 20 ay tugma sa National Expenditure Program o budget proposal ng Pangulong Duterte.