MANILA, Philippines — Aabot sa P23.18 bilyon ang ilalaang pondo ng gobyerno para sa mahihirap na senior citizens sa taong 2020.
Ayon kay Sen. Sonny Angara, ang P23.18 bilyon para sa “Social Pension for Indigent Senior Citizens” ang pangalawa sa pinakamalaking item sa panukalang P158.6 bilyong pondo ng Department of Social Welfare and Development para sa susunod na taon.
Nasa 3.8 milyong senior citizens ang makikinabang sa pondo kung saan makakatanggap sila ng kabuuang P6,000 sa loob ng isang taon.
Bukod pa ang nasabing halaga sa P3,600 annual assistance mula sa “Unconditional Cash Transfer” (UCT) fund.
Ang share ng mga mahihirap na seniors mula sa UCT ay kukunin sa P36.48 bilyong pondo na inilagay ng Department of Finance sa Land Bank of the Philippines.
Para maging kuwalipikado sa P500 monthly social pension ng DSWD, dapat ay 60 taong gulang ang edad, walang regular na source ng income at hindi nakakatanggap ng pinansiyal na tulong mula sa mga kamag-anak.
Hindi naman maaring makatanggap ang seniors na mayroon ng buwanang social pension mula sa GSIS at SSS; Armed Forces of the Philippines at Police Mutual Benefit Association Inc. at iba pang insurance companies.