MANILA, Philippines — Maaaring magamit paniktik ng Tsina — 'yan ang isiniwalat ni Sen. Francis Pangilinan tungkol sa mga Tsinong kumpanya sa bansa dahil sa dalawang batas na umiiral sa kanilang pinanggalingan.
Tinutukoy ni Pangilinan ang National Intelligence Law of 2017 at Counter-Espionage Law of 2014 ng Tsina sa gitna ng planong pagpapapasok ng Armed Forces of the Philippines sa mga pasilidad ng Dito Telecommunity at pagdami ng Philippine offshore gaming operators sa Pilipinas.
"And in both laws, sinasabi ng mga batas nila, na ang organizations — private organizations and citizens — should cooperate in gathering of intelligence information by the state," ani Pangilinan sa isang media interview.
Pinirmahan ng AFP at Dito, isang korporasyong 40% pinagmamay-arian ng Chinese government, noong isang linggo ang kasunduang pagpapatayo ng mga tore ng ikatlong telecommunications provider sa loob ng kampo militar.
"China Telecom is an organization. It is a Chinese company. What if the Chinese government says, 'Oh, meron kayong access diyan. You are mandated to turn over information to us because we have the Counter-Espionage Law and we have the National Intelligence Law."
Bago pa ang isyu tungkol sa telecom, una nang nagbabala sina Department of National Defense Secretary Lorenzana at National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. sa mga umiiral na POGO malapit sa military camps, mga kumpanyang nag-eempleyo ng mga Chinese nationals.
Ayon sa senador, isasalang nila sa budget hearing ang isyu lalo na't popondohan ng gobyerno ang AFP at DND.
"Alam mo hindi biro iyang information na maaaring malikom dito sa mga telcos na ito: troop movement, conversations... meetings, national security briefings."
Kaninang umaga, sinabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo na pwede pa namang umatras ang gobyerno sa nasabing deal kung usapin ng pambansang seguridad ang naisasang-alang-alang.
Dagdag pa ni Panelo, wala ring kaalam-alam Lorenzana sa mga detalye nito.
Una nang ipinangako ng Dito na pabibilisin ang batayang internet speed hanggang 55 Mbps, at sasaklawin ang hanggang sa 84% ng populasyon ng Pilipinas sa loob ng limang taon.
'Hindi physical presence'
Kaugnay ng pagkabahala ng publiko, sinabi ni AFP spokersperson Brig. Gen. Edgard Arevalo na magpapatupad sila ng karagdagang pag-iingat para masigurong walang "espionage" na mangyayari.
"Noong sinabi natin na papayagan natin silang mag-locate sa kampo natin, hindi ibig sabihin na physically nandoon sila sa loob ng mga kampo," ani Arevalo sa panayam ng ANC, Lunes, sa Inggles.
Kinausap na rin daw niya si Lorenzana tungkol rito sa text, at wala pang alam dito dahil nasa labas daw siya ng bansa.
"Noong mag-inquire ako, sinabi ng [Chief of Staff of the Armed Forces of the Philippines] na dadaan sa opisina ko ang [memorandum of agreement] para sa approval ko. Ngayon alam ko na ito at bubusisiin ko nang maigi bago ibigay ang pagpayag ko," sabi ni Lorenzana.
Tiniyak naman ni Arevalo na hindi pa "done deal" ang pagpapapasok sa telco sa kampo dahil kailangan pang aksyunan ito ng DND.