MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Palasyo ngayong Lunes na pwede pang umatras ang Pilipinas sa pakikipagkasundo sa Dito Telecommunity Corp., ang ikatlong telecommunications player sa bansa.
"Siyempre. Kung national security na ang pinag-uusapan, may magagawa ang gobyernong ito," ani presidential spokesperson Salvador Panelo sa Inggles.
Huwebes nang maglabas ng pagkabahala si Sen. Francis Pangilinan dahil sa pagpayag ng Armed Forces of the Philippines na magtayo ng pasilidad ang consortium sa loob ng mga kampo militar ng bansa kahit 40% nito ay pinagmamay-arian ng gobyerno ng Tsina.
Babala ni Pangilinan, posibleng magamit ito upang makapag-espiya ang dayuhang gobyerno sa mga Pilipino.
Kasalukuyang nag-aagawan ng teritoryo sa West Philippine Sea ang Tsina at Pilipinas, na kilala rin sa pagpapadala ng mga barkong pandigma sa Tawi-Tawi nang walang paalam sa gobyerno.
DND, mag-iimbestiga
Ayon kay Panelo, kinausap na raw siya ng Department of National Defense kaugnay nito.
"Tinext ako ng kalihim ng DND tungkol dito at sinabing wala siyang nalalaman tungkol diyan, mag-iimbestiga raw siya."
"Aantayin namin ang findings niya."
Una nang nabahala sina Pangilinan at National Security Adviser Germogenes Esperon sa pagkakaroon ng mga Philippine offshore gaming operators malapit sa mga kampo militar ng Pilipinas, bagay na nakikita nilang banta sa seguridad ng state secrets.
"Sigurado akong mag-a-undertake ng measures ang DND secretary [Delfin Lorenza] at G. Esperon pagdating sa concern na 'yan, dagdag pa ni Panelo.
Sa isang pahayag, matatandaang sinabi sinabi ng Sandatahang Lakas na ang mga "kagamititan, at/o istruktura na ilalagay sa lugar na ibinigay ng AFP ay hindi gagamitin para makakuha ng classified information."
Ang Dito Telecommunity ay 35% pagmamayari ng Udenna Corporation, 25% pagmamay-ari ng Chelsea Logistics and Infrastructure Holdings Corporation at 40% pagmamay-ari ng China Telecommunications Corporation.
Ang Udenna at Chelsea, na subsidiary ng nauna, ay parehong kumpanya ng Davao businessman na si Dennis Uy, na kilalang malapit kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang China Telecommunications Corporation ay pinagmamay-arian ng gobyerno ng Tsina.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, hanggang 40% lang ang maaaring maging kontrol sa kapital ng mga dayuhan sa mga korporasyon.
Dating kilala ang Dito bilang Mislatel.
Ipinangako ng Dito na pabibilisin ang batayang internet speed hanggang 55 MBPS, at sasaklawin ang hanggang sa 84% ng populasyon ng Pilipinas sa loob ng limang taon.