MANILA, Philippines — Kontrolado ng mga high-profile inmates at hindi ng gobyerno ang New Bilibid Prison (NBP), ayon kay Sen. Panfilo Lacson.
“‘Yung mga high profile inmates naging napakamakapangyarihan at napakamayaman na sila halos ang nagpapatakbo ng kulungan, hindi na ang gobyerno. Kasi sila na ang nagpapatakbo e,” sabi ni Sen. Lacson.
Aniya, lumala ang sitwasyon sa Bilibid dahil nagmukhang “helpless” ang gobyerno.
Idinagdag ni Lacson, naging mafia na ang Bilibid dahil wala ng magawa ang Bureau of Corrections (BuCor) officials.
Aniya, 80 percent ng illegal drugs transactions ay nangyayari sa loob ng NBP.
Magugunitang sinabi ng isang testigo sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee na for sale ang GCTA upang maagang makalaya.
Nagagawa rin ng inmate na kumuha ng hired killers kahit nasa loob ng national penitentiary.
Kamakailan ay napatay ang 53-year-old BuCor official na si Ruperto Traya sa Muntinlupa sa gitna ng kontrobersya sa isyu ng GCTA for sale.
Si Traya ang in-charge sa pangongolekta at may hawak sa GCTA documents.
Maging ang mga high profile inmates ay nababayaran ang hospital pass upang magkunwaring maysakit para manatili sa ospital.
“Pasalamat tayo at nagkaroon ng pagdinig kaugnay dito kasi kundi baka lalo pang lumala ang anomalya sa loob ng NBP,” dagdag ni Lacson.