Death penalty ipasa na - ACT-CIS
MANILA, Philippines — Kailangan ng maipasa ang death penalty sa bansa dahil tila wala ng silbi ang New Bilibid Prison (NBP).
Ayon kay ACT-CIS Rep. Eric Yap, mistulang ginagawang resort at bakasyunan na ang Bilibid ng mga convicted sa heinous crime at mga drug lords.
Dismayado si Cong. Yap sa mga nabubulgar na kalokohan sa loob ng NBP sa patuloy na pagdinig ng Senado hinggil sa Good Conduct and Time Allowance ( GCTA).
“Saan ka makakakita ng isang pambansang piitan na may 24-oras na gambling, prostitusyon, alak at iba pang anomalya. Imbes na magdusa ang mga big time na preso ay tila nagbabakasyon lang sa loob ng piitan,” sabi ni Yap.
Sinabi ng mambabatas, nakakalungkot na malaman na ang mga high profile criminal at mga drug lords na hindi pa natatapos ang kanilang sentensiya ay pinapalabas na ng kulungan ng mga korap na BuCor officials.
Pakiusap ni Yap sa mga senador na ipasa na ang parusang bitay para sa karumal-dumal na krimen at drug lords bilang kabayaran sa kanilang kasalanan.
Isa si Yap sa mga naunang nagsulong ng resolusyon sa Kongreso para ibalik ang death penalty at rebyuhin ang GCTA law sa Kamara makaraang mabunyag ang anomalya.
- Latest