MANILA, Philippines – Niyanig ng magkasunod na lindol ang bahagi ng Luzon na naramdaman din sa Metro Manila kahapon ng hapon.
Unang naitala ng Phivolcs ang 5.5 magnitude alas 4:28 ng hapon sa may 040 kilometro hilagang silangan ng Burdeos, Quezon.
Naramdaman ang Intensity 4 sa Jose Panganiban, Camarines Norte at Quezon City at Intensity 3 sa Guinayangan, Quezon.
Sinasabing tectonic ang origin ng lindol.
Makaraan nito, nakapagtala din ng 5.1 magnitude na lindol alas 5:18 ng hapon sa hilagang silangan ng Burdeos, Quezon.
Naramdaman naman ang lakas ng lindol sa intensity 5 sa Polillo, Quezon; Intensity 4 sa Quezon City at Intensity 2 sa Guinayangan, Quezon.
Sa Metro Manila, nagsilikas sa kanilang mga opisina, establisimyento at paaralan ang mga empleyado at estudyante matapos maramdaman din ang pagyanig.
Pansamantala namang sinuspinde ang biyahe ng MRT, LRT-1 at LRT-2 at maging ang Philippine National Railways (PNR).
Ayon kay Phivolcs Usec. Renato Solidum, inaasahan na ang pagkakaroon pa ng aftershocks matapos ang lindol habang wala pang iniulat na pinsala.