MANILA, Philippines — Nilinaw ni Department of Justice na nananatili sa correctional facility ang plunder convict na si Janet Lim-Napoles kahit na lumabas sa listahan ng mga presong posibleng mapalaya nang maaga gamit ang good conduct time allowance.
Ayon kay Justice Undersecretary Markk Paerete, tagapagsalita ng departamento, pinagpapaliwanag nila ang Bureau of Correction kung bakit kasama si Napoles sa mahigit 2,000 inmates na malapit nang makalaya.
Kung titignan ang listahang inilabas ng BuCor, sinasabing ika-12 ng Nobyembre pa natapos ang sintensya niya — hindi para sa pandarambong, ngunit rape.
Isa ang convicted plunderer at tinaguriang "pork barrel queen" na si Janet Lim Napoles sa mga nasa listahan ng mapapalaya sa ilalim ng good conduct time allowance o GCTA law.
— News5 AKSYON (@News5AKSYON) September 12, 2019
??: Bureau of Corrections pic.twitter.com/lP757ft08y
Pinaniniwalang si Napoles ang utak sa bilyun-bilyong Priority Development Assistance Fund barrel scam.
Nahatulan siya kaugnay ng plunder, at patuloy pa ring humaharap sa mga reklamo kaugnay ng pork barrel scam sa Sandiganbayan.
Nagkamali lang?
Sa pagpapatuloy ng pagdinig kaugnay ng GCTA law, kwinestyon din ni Sen. Richard Gordon ang "mali-maling" listahan.
Ilan sa mga preso raw kasi ay dalawang beses naisulat, habang ang iba ay mali-mali ang krimeng nakatala.
Ayon kay BuCor Documentations and Record Section chief Ramon Roque, na kasalukuyang suspendido, minadali nila ang listahan.
"'Yung list na 'yan, mabilisan pong pinagawa sa amin. Magpe-presscon po kasi," sabi niya.
Ipinatanong na rin daw ni Roque sa "computer section" ng BuCor, na nagsabi sa kanyang lumabas ng dalawang beses ang ilang pangalan.
'Nangyari sa ilalim ni Bato'
Paglalahad naman nina Bayan Muna chairman Neri Colmenares at Rep. Carlos Zarate, nangyari raw ang diumano'y pagpapalaya kay Napoles sa ilalim ng pamumuno Sen. Ronald dela Rosa bilang BuCor director general, kung susundin ang listahan.
"Sinong pumirma ng release papers niya? Nag-abutan din ba ng pera at bakit siya pinakawalan?" tanong ni Colmenares.
Sinabi naman ni Zarate na tila may "mafia" nga talaga sa loob ng BuCor.
Dagdag pa ng mambabatas, dapat daw gawin ang lahat upang panagutin ang mga kinauukulan kaugnay nito.
"Mukhang ginawang kumikitang kabuhayan ng mga opisyal ng Bucor ang 'GCTA scam' at kailangang magkaroon ng lifestyle checl ang mga opisyales ng Bucor mula 2014," panapos ni Zarate. — James Relativo at may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag at News5