MANILA, Philippines — Kinastigo ng isang senador ang pagpayag ng Armed Forces of the Philippines na magtayo ng pasilidad ang Dito Telecommunity Corporation sa loob ng kanilang kampo, bagay na posibleng banta raw sa seguridad ng bansa.
Ang Dito, isang consortium na kilala noon sa pangalang Mindanao Islamic Telephone Company, Inc. o Mislatel, ay 40% pinag-mamayarian kasi ng gobyerno ng Tsina sa pamamagitan ng China Telecommunications Corporation.
"May garantiya ba tayo na hindi sila kukuha ng mahalagang impormasyon sa kapinsalaan ng mga Pilipino?" pahayag ni Sen. Francis Kiko Pangilinan sa Inggles.
Kasalukuyang nag-aagawan ng teritoryo ang Tsina at Pilipinas sa West Philippine Sea, ngunit kilalang malapit ang Pangulong Rodrigo Dutere at Chinese President Xi Jinping.
Dagdag niya pa, marami naman daw lugar na pwedeng pagtayuan ng pasilidad maliban sa loob ng ng kampo.
"Sa isyu nga ng POGOs [Philippine offshore gaming operators] na malapit lang sa military camps, na-alarma na ang mga opisyal ng [Department of Natioonal Defense] sa potential security concern, paano pa itong nasa loob na mismo ng mga kampo?" ani Pangilinan.
Una nang ikinabahala ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagkakaroon ng mga POGO, na nag-eempleyo ng maraming Tsino, malapit sa mga kampo militar ng Pilipinas sa takot na baka magamit ito sa pag-eespiya.
Pero tiniyak naman ng gobyerno na hindi kukuha ng mga sikreto ng gobyerno ang kumpanya.
Sa isang pahayag, sinabi ng Armed Forces na ang mga "kagamititan, at/o istruktura na ilalagay sa lugar na ibinigay ng AFP ay hindi gagamitin para makakuha ng classified information."
Dagdag pa rito, makatutulong daw ang pagpasok ng Dito sa merkado para mag-compete sa iba pang network.
Meron ding kahalintulad na partnership ang Armed Forces sa Globe at Smart.
"Ang ating [memorandum of understanding] sa iba pang telco ay lubos na nakapagpahusay sa [information and communications technology] infrastructure ng AFP at umaasa ka,i na ang oportunidad na ito ay magdadala ng benepisyo sa sandatahang lakas," ani AFP Chief of Staff General Benjamin Madrigal Jr. sa ulat ng GMA News.
Nangyayari ito sa gitna ng cyber security fear na bumabalot sa Huawei, isang Chinese telecommunications giant, matapos itong ilagay sa black list ng Estado Unidos simula pa noong Mayo.
Inuudyok ng Washington ang mga kaalyado nito, kasama ang Maynila, na huwag gamitin ang Huwawei sa takot na gamitin ito ng Beijing sa pag-eespiya.