Digong ’di sinertipikahang ‘urgent’ ang SOGIE bill
MANILA, Philippines – Binawi kahapon ng Malacañang ang naunang pahayag ni Pangulong Duterte na sesertipikahan nitong urgent ang Sexual Orientation and Gender Identity or Expression (SOGIE) Equality bill.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi SOGIE kundi anti-discrimination bill ang nais ipunto ng Pangulo na nais nitong sertipikahang urgent bill.
Sinabi ni Panelo, ipinupunto ng Pangulo na ipinatutupad sa Davao na kung saan ay hindi lang para sa isang sektor gaya ng LGBT ang pinatutungkulan kundi para sa lahat. Hagip dito ang pagbabawal ng diskriminasyon halimbawa sa special children, handicapped, third sex at iba pa na mas maganda aniya gayung mas malawak ang saklaw nito kontra discrimination.
Idinagdag pa ni Panelo, baka magka-problema sa class legislation kung tutumbok lamang sa isang grupo gaya ng LGBT ang gagawing pagprotekta sa karapatan ng sinuman.
Aniya, hindi naman dapat ikadismaya ng LGBT ang puntong ito ng Pangulo dahil kasama naman silang mabibigyan ng proteksiyon sa ilalim ng anti-discrimination bill.
- Latest