MANILA, Philippines — Matapos igiit ang soberanyang karapatan sa West Philippine Sea sa Tsina, muling nag-iba ang ihip ng hangin para sa presidente pagdating sa pinag-aagawang lugar.
Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, gustong makipagkasundo ni Chinese President Xi Jinping sa 60-40 pagbibigayan ng likas-yaman sa lugar kaugnay ng nilulutong joint exploration.
Pero para matuloy ang oil and gas deal ng dalawang bansa, dapat daw munang iisantabi ng Pilipinas ang pagkapanalo sa 2016 arbitral ruling, na bumalewala sa nine-dash line claim ng Tsina sa buong South China Sea.
"Kasi 'yang exclusive economic zone bahagi 'yan ng arbitral ruling na ii-ignore natin para mapagkasunduan ang economic activity," sabi ni Duterte kagabi sa pinaghalong Tagalog at Inggles.
Ang West Philippine Sea ay sakop ng EEZ ng Pilipinas at nasa loob din ng South China Sea.
Hanggang sa ngayon, hindi kinikilala ng Beijing ang pag-aaward ng West Philippine Sea sa Maynila.
Bagama't una nang sinabi ni Duterte kay Xi na "pinal, may bisa at hindi na maaapela" ang pag-aaward sa Pilipinas, naninindigan pa rin ang Tsina na kanila ito sa huling bilateral meeting ng dalawang state leaders noong Agosto.
"Gusto nilang mag-explore at kapag may nakita [ang] sabi nila, 'Magiging mapagbigay kami at pagkakalooban kayo ng 60%.' 40 lang ang kanila. 'Yan ang pangako ni Xi Jinping," ani Duterte.
"Alam niyo, nandoon ang Tsina. hawak niya ang ari-arian at pinanghahawakan nila. 'Yan ang sagot niya. Atin 'yan, hindi kami magpapatinag."
Una nang sinabi ni Senior Associate Justice Antonio Carpio na labag sa Saligang Batas ang joint exploration at "exploitation" ng West Philippine Sea.
Nobyembre taong 2018 nang pirmahan nina Duterte at Xi ang memorandum of understanding sa joint oil and gas development sa West Philippine Sea.