MANILA, Philippines — Sa kabila ng sabay-sabay na pagbaba ng tiwala sa mga institusyon, panatag pa rin ang loob ng maraming Pinoy sa mga relihiyoso't akademiko kumpara sa iba.
Sa Philippine Trust Index na inilabas ng EON Group ngayong 2019, parehong umani ng 90% ang simbahan at akademya — mas mataas sa gobyerno (76%), mga negosyo (71%), media (69%) at non-governmental governmental organizations (37%).
Filipinos' trust in government and five other institutions have slightly dropped since 2017, according to the 2019 Philippine Trust Index. Despite this, the study showed "majority of Filipinos still opt to remain in the country."
READ MORE: https://t.co/9tRdFvlOxT pic.twitter.com/g9h5ON8Vie— ONE News PH (@onenewsph) September 10, 2019
Ibinatay ang resulta sa tugon ng 1,476 katao na pinili "at random" mula sa Luzon, Visayas at Mindanao.
"Bagama't pare-parehong nabawasan ang antas ng tiwala sa lahat ng institusyon, nananatiling consistent ang 'extreme trust' para sa simbahan, gobyerno, at negosyo mula pa noong 2017," ayon sa EON Group sa Inggles.
Pagdating sa simbahan, lumalabas na pinakamataas ang tiwala sa kanila ng 18-24-anyos na age group sa 93%, na agad namang sinundan ng 35-44 (91%), 25-34 (90%) at 45 pataas (90%).
Kabataang edad 18-24 (Generation Z) din ang lumalabas na pinakamapagtiwala sa akademya (94%) habang pinakamababa ito sa mga nakatatandang 45-anyos pataas (87%).
Kabataan at duda sa gobyerno
Bumaba naman ng apat na percentage points ang tiwala sa gobyerno mula 80% noong 2017 patungong 76% ngayong 2019.
Kung pinakamapagtiwala ang kabataan sa simbahan at media, lumalabas na pinakaduda sa pamahalaan ang "Gen Z" sa 70%, na sinundan ng 25-34 age group sa 75%.
"Ang mga Gen X, o Pinoy edad 35 hanggang 44 ang pinakanagtitiwala sa gobyerno sa 81 percentage points. Habang ang mga Pinoy 45 pataas ang may pinakamataas na lebel ng 'extreme trust' sa lahat," dagdag ng pag-aaral.
Nananatili ang Office of the President sa pinakapinagkakatiwalaang sangay ng gobyerno.
NGO kulelat sa lahat
Samantala, pinaka-hindi pinagkakatiwalaan ng mga Pilipino ang mga NGO, na nakaranas ng pinakamalaking pagbagsak sa lahat ng institusyon.
"Ang pinakaprominenteng pagbaba sa tiwala... ay sa mga NGO, na nakatikim ng matarik na 22 percentage points pagbaba mula sa percentile nito noong 2017," dagdag ng EON Group.
Nasa 59% ito noong 2017 at naging 37% na lang pagsapit ng 2019.
Napag-alaman din na limitado ang kaalaman ng publiko sa pagkakaroon ng mga NGO.
Sa 1,200 respondents, 11% lang ang kayang magbigay ng pangalan ng kahit isang grupo.
Nasa 53% ang may kaalaman pagdating sa mga NGO ngunit hindi kayang makapagbigay ng pangalan, habang 35% ang hindi talaga alam na mayroong ganoong institusyon.
"Ang mga taong wala sa social media ay may mas mababang kaalaman sa kanila, 44% sa kanila ang walang mabanggit ni isang pangalan."