Patay na baboy positibo sa ASF
MANILA, Philippines — Nasa Pilipinas na ang nakamamatay na sakit sa mga alagaing baboy na African Swine Fever (ASF).
Ito ay makaraang magpositibo sa ASF ang blood samples ng ilang namatay na baboy sa bansa na naipadala ng Department of Agriculture (DA) sa United Kingdom .
Sinabi ni Agriculture Secretary William Dar sa isang pulong-balitaan na, sa 20 blood samples ng mga namatay na baboy mula Rizal at Bulacan na ipinadala sa naturang bansa, 14 dito ay positibo sa ASF.
Sinabi ni Dar na hinihintay naman nila ngayon ang resulta ng isa pang laboratory test mula UK para malaman kung gaano ka-viral ang dumapong virus sa mga baboy na naging sanhi ng ASF.
Gayunman, tiniyak ni Dar na nakontrol na ang virus bago pa ito kumalat sa ibang mga lugar.
Naniniwala naman ang Malacañang na walang dapat ipag-aalala ang publiko sa pagkain ng baboy kahit kinumpirma ng DA na positibo sa African Swine Fever ang ipinadala nilang sample sa mga namatay na baboy sa backyard piggery sa tatlong barangay sa Rizal.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa media briefing sa Malacañang na ang pangunguna nina Agriculture Secretary William Dar at Health Secretary Francisco Duque III sa boodle fight kahapon ng umaga ay patunay lamang na ‘ligtas’ pa ring kumain ng karne ng baboy sa kabila ng pagiging positibo ng ASF sa ipinadala nilang sample sa United Kingdom mula sa mga namatay na baboy sa Rizal.
Ayon kay Dar, ligtas pa ring kainin ang mga baboy pero dapat hanapin ng publiko ang mga may stamp mula sa National Meat Inspection Service (NMIS).
Nilinaw din ni Duque na hindi mapanganib sa kalusugan ang African Swine Fever pero kailangan lamang lutuing mabuti ang baboy upang ligtas kainin.
Paliwanag ng DOH, ang baboy na infected ng ASF virus ay nakakaranas ng mataas na lagnat, depression, loss of appetite, pamumula ng tenga, tiyan, binti, pagsusuka at diarrhea na maaaring humantong sa pagkamatay. Sa ngayon wala pang vaccine para sa treament ng ASF.
- Latest