Sabi ng bagong testigo ‘GCTA for sale totoo’

Godfrey Gamboa, testigo sa GCTA for sale.
Geremy Pintolo

MANILA, Philippines — Pinatunayan kahapon ng isang bagong testigo na humarap sa pagdinig ng Senate committee on justice and human rights na totoong nangyayari ang “GCTA for sale” o bayaran ng good conduct time allowance para mas maagang makalaya ang isang preso kahit pa nasentensiyahan dahil sa heinous crime.

Humarap sa komite si Godfrey Gamboa, living-out inmate sa minimum security compound ng New Bilibid Prison simula pa noong 2018 at may kasong “falsification of public documents by private individual.”

Si Gamboa ang partner o itinuturing na asawa ng unang testigo na si Yolanda Camilon na nagbayad ng P50,000 sa mga ilang opisyal ng Bureau of Corrections. 

Sinabi ni Gamboa na nakipag-usap siya at ang kanyang partner kina Ramoncito Roque, chief ng BuCor Documents and Record Section at Corrections Senior Inspector Maria Belinda Bansil.

Apat na taon lamang ang sentensiya ni Gamboa at napagsilbihan na nito ang kanyang minimum na sentensiya.

Sa pagtatanong ni Senator Richard Gordon tungkol sa sentensiya ni Gamboa, sinabi nito na pinayuhan sila ni Atty. Reynaldo Bayang na asikasuhin na ang pag-aaplay ng parole.

 “Nag applay po ako (ng parole) pero ang sabi po ni Atty. Bayang sa asawa ko ‘asikasuhin mo na yan sa New Bilibid Prison kasi lalaya na, apat na taon lang naman yan,” sabi ni Gamboa.

Itinanggi naman ni Bayang na pinapayuhan nila ang mga malapit nang lumayang bilanggo na tapusin na lamang ang sentensiya.

Noong hindi umano nakuha ni Gamboa ang parole, nanatili na lamang ito sa kulungan at naging living-out prisoner noong 2018 kung saan nakakalabas siya sa araw at bumabalik sa gabi.

Sinabi pa ni Gamboa na nag-usap ang asawa niya at si Bansil  tungkol sa tuluyan nitong paglaya kung saan kinailangan nilang magbayad.

Ayon pa kay Gamboa, narinig na niya ang tungkol sa nangyayaring bayaran kapalit ang maagang pag­laya ng mga bilanggo.

Noong katapusan umano ng Enero o Pebrero ay sinabi ng kanyang asawa na may magpo-proseso na ng kanyang paglaya sa halagang P50,000 kaya nagbenta sila ng kanilang properties.

“Hanggang dumating sa punto na ilalabas ako sa March. Hindi naman ako lumabas. Galit na galit ako nun. Nakita namin si (dating BuCor Director General Nicanor) Faeldon na lumabas sa opisina nina Roque. Sabi ko sa asawa ko kausapin niya si general, isumbong mo na ito kay general. Tumayo si Sir Roque sa harap kaya hindi namin nakausap si General Faeldon,”  dagdag ni Gamboa.

Hindi rin aniya nakakapagsalita ang mga nakakulong sa NBP at hindi puwedeng magreklamo dahil hawak ng mga opis­yal ang buhay nila.

Idinagdag ni Gamboa na nagsalita siya sa Senado para sa mga nakakulong na preso lalo na iyong mga matatanda na hindi nakalaya at namatay na lamang sa bilangguan.

Show comments