33 heinous crime convicts sumuko

Sa 33, siyam ang sumuko sa BuCor sa Muntinlupa, 20 sa Cagayan at tig-isa sa Pasay City, Cebu, Laguna at Ifugao.
File

MANILA, Philippines — Umabot na sa 33 heinous crime convicts na napalaya dahil sa “good conduct” ang sumuko matapos magbigay ng ultimatum si Pangulong Duterte, ayon sa Bureau of Corrections.

Sa 33, siyam ang sumuko sa BuCor sa Muntinlupa, 20 sa Cagayan at tig-isa sa Pasay City, Cebu, Laguna at Ifugao.

Ang mga nagsisukong convicts ay hinatulan sa kasong murder, robbery, attempted rape, homicide at paglabag sa Republic Act (RA) 6425 o illegal drugs.

“As of this time marami ang nag-surrender na at yung iba naman ay dumidiretso accordingly sa BuCor at sa atin po,” anang PNP chief.

Inihayag ni Albayalde na hindi na kailangan pang kumuha ang pulisya ng warrant of arrest laban sa nasabing mga convicts na nakalaya dahil sa GCTA at iginiit na hindi sila mangingiming ipatupad ang shoot to kill order ni Pangulong Duterte kapag nanlaban ang mga convicts.

Samantala, inatasan ni Albayalde si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Police Major Gen. Guillermo Eleazar na makipagkoordinasyon sa BuCor upang kunin ang listahan ng mga convicts na pinasusuko ng Pangulo para ibalik sa selda.

Nanawagan naman si Eleazar sa mga convicts na sumuko gayundin sa publiko na ireport o magbigay ng impormasyon sa pinagtataguan ng mga ito upang maaresto.

Magugunita na binigyan ni Pangulong Duterte ng 15 araw ang nasa 2,000 heinous crime convicts na napalaya dahil sa GCTA para sumuko. Raymund Catindig

Show comments