MANILA, Philippines — Malinaw raw na nabahiran na ng katiwalian ang pagpapatupad ng Good Conduct Time Allowance law kasunod ng testimonyang naipagbibili ito, ayon kay Sen. Franklin Drilon, Biyernes.
Ayon sa senador, noon pa ma'y pinaghihinalaan na nilang may pangingikil kapalit ng kalayaan ng inmates ngunit ngayon lang daw nila itong natiyak sa paglutang ng isang testigo.
"Sinabi na namin 'yan bago pa lumabas ang mga saksi. Pero sa pamamagitan ng salaysay ni Yolanda Camelon, kinukumpirma nito ang mga hinala naming nagkakaabutan ng pera," ani Drilon sa panayam ng ANC sa Inggles.
Sa pagharap ng testigong si Camelon kahapon, matatandaang sinabi niyang siningil siya ng P50,000 ng ilang opisyal ng New Bilibid Prison kapalit ng maagang paglaya ng kanyang mister.
Ilan sa mga pinangalanan niya ay sina Correctional Senior Inspector Maribel Bansil, Staff Sergeant Ramoncito Roque at isang Veronica Buno.
Aniya, inalok na lang daw siya ni Bansil at sinabing pwedeng hulug-hulugan ang P50,000.
"Natuwa po ako kasi meron palang hulugan na pwede kong kayanin," sabi ni Camelon.
"'Yung first na nga na usapan namin na kukunin na nila 'yung P10,000 po... nag-set sila ng meeting namin doon sa... bulaluhan."
Inutusan naman daw siyang dalhin ito direkta sa bahay ni Roque.
Sa parehong pagdinig, kinumpirma ni Roque na nagkita sila Camelon, ngunit binanggit na pwinersa siya nitong tanggapin ito.
Binalik naman daw niya ito agad: "Wala po akong tinanggap," sabi niya. Hindi rin daw niya inaasikaso ang pagbibigay ng GCTA.
Kaugnay nito, nanawagan si Drilon na masuspinde "agad-agad" ang mga nasabing BuCor officials.
"Immediately dahil 'yan ang gamit ng preventive suspension, para mapigilan ka na manipulahin ang mga record na hawak mo," dagdag ni Drilon.
Una nang sinabi ng BuCor na 2,160 presong gumawa ng karumaldumal na krimen ang napakawalan mula 2013 gamit ang GCTA, 'yan ay kahit na ipinagbabawal daw ito ng RA 10592, sabi ng Palasyo at Department of Justice.
Ang nabanggit ang dahilan kung bakit pinagbitiw ni Pangulong Rodrigo Duterte si ex-BuCor director general Nicanor Faeldon.
Naging mainit ang mata ng publiko kay Faeldon matapos niyang sabihin na kasama si ex-Calauan Mayor Antonio Sanchez, isang convicted rapist at mamamatay tao, sa posibleng mabibigyan ng GCTA kaugnay ng "mabuting asal sa kulungan."
Panelo sa Senado?
Sinabi rin ni Drilon na dapat magtungo ng Senado si presidential spokesperson Salvador Panelo upang magpaliwanag kaugnay ng pakikipagkita niya sa pamilya ni Sanchez.
Matatandaang inamin ni Panelo na nakipagkita siya sa nasabing pamilya, na noo'y nagre-request ng executive clemency para mapalaya ang kriminal.
"Dapat niyang ipaliwanag [kung] anong pinag-usapan," sabi ni Drilon.
Hindi raw kasi maiiwasang isipin ng taumbayan na prinessure niya noon ang Board of Pardons and Parole upang palayain ang dating alkalde gamit ang sulat na may letterhead ng Palasyo.
Binanggit noon ni Panelo na isinangguni niya sa nasabing ahensya ang request ng pamilya sa pamamagitan ng liham.
Si Panelo ay dating abogado ni Sanchez sa rape-slay case na kanyang ikinakulong.
Pero depensa ni Panelo, hindi siya nakikialam sa kaso ng dating kliyente.
"Standard operating procedure ng Office of the Chief Presidential Legal Counsel na tumugon sa lahat, lahat ng sulat na natatanggap at isangguni sila sa tamang departamento o ahensya para asikasuhin ang kanilang problema," wika ni Panelo.
"Ang referral letter ni Mrs. Marie Antonelvie Sanchez, na anak ni Sanchez, sa Board of Pardons and Parole, ay iisa lang sa libu-libong referral na ginawa ng opisinang ito sa iba't ibang government instrumentalities."
Pero sabi ni Drilon, sana raw ay assistant na lang ni Panelo ang pumirma ng sulat sa ngalan ng delikadesa.
"Pwede namang lagdaan 'yon ng kahit na sinong teknikal na tao [sa tanggapan nila], pwedeng i-refer ng records clerk. Pero dahil pinirmahan niya, lumilikha ng perception ng pressure."