Ex-BuCor chief dela Rosa imbestigahan din - Palasyo

MANILA, Philippines – Maging si dating BuCor chief at ngayon ay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ay kasama sa dapat imbestigahan kung may napalaya itong convicts sa kanyang panahon sa pamamagitan ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Nanungkulan si dela Rosa bilang BuCor director-general mula Abril hanggang October 2018 hanggang magbitiw ito upang tumakbong senador.

“With respect to Senator Dela Rosa, then that requires an investigation on whatever circumstances that made him sign released papers, case to case iyon,” sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.

Inamin ni dela Rosa na nasa 120 ang napirmahan niyang release order sa 6 na buwan niyang panunungkulan bilang BuCor chief subalit isang convicted sa drugs ang kanyang napalaya sa pamamagitan ng GCTA.

Sinabi rin mismo ni Pangulong Duterte sa media interview noong Miyerkules ng gabi na nasisiguro nitong naka­handa si Bato sa anumang im­bestigasyon sa kanya.

Aabot sa 22,049 preso ang napalaya sa pamamagitan ng GCTA mula 2014 hanggang 2019 batay sa record ng BuCor at nasa 1,914 dito ang convicted sa heinous crimes tulad ng murder, rape, drugs.

Sinibak kamakalawa ng gabi ni Pangulong Duterte si BuCor chief Nicanor Faeldon dahil sinuway nito ang kanyang naging utos.

Ikinagalit ng Pangulo ang ulat na muntik mapalaya ang convicted murderer at rapist na si dating Calauan mayor Antonio Sanchez sa pamamagitan ng GCTA.

Show comments