Typhoon Liwayway lumabas na ng PAR

Bandang alas-tres ng hapon nang makalabas ng PAR ang mata ng bagyo ngunit tumama muna sa kalupaan ng Japan noong 12:05 ng tanghali.
Released/Pagasa

MANILA, Philippines — Tuluyan nang nilisan ng typhoon Liwayway ang Philippine area of responsibility, pagkukumpirma ng weather bureau ngayong Huwebes.

Bandang alas-tres ng hapon nang makalabas ng PAR ang mata ng bagyo ngunit tumama muna sa kalupaan ng Japan noong 12:05 ng tanghali.

"Kaninang alas-dose singko ng tanghali, nag-landfall itong si Typhoon Liwayway diyan sa Miyako Island, na bahagi po ng Ryukyu Islands ng southern Japan," ayon kay Ariel Rojas, weather specialist ng PAGASA.

Nasa layong 630 kilometro hilaga hilagangsilangan ng Basco, Batanes ang sentro ng bagyo bandang alas-kwatro ng hapon.

Nagtataglay pa rin ito ng lakas na 175 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugso ng hanging umaabot sa 215 kilometro kada oras.

Umuusad pa-hilaga ang naturang sama panahon sa bilis na 15 kilometro kada oras.

"Patuloy pa ring hinihila ni Liwayway itong ating southwest monsoon, or hanging habagat, na nakakaapekto sa northern Luzon," dagdag pa ni Rojas.

Maaaring magkaroon pa rin ng mga pabugsu-bugsong lagay sa Batanes, Babuyan Islands, Ilocos Region at Cordillera Administrative Region dahil sa habagat.

LPA lumabas din ng PAR pero pwedeng bumalik

Alas-tres din ng hapon nang lumabas sa PAR ang binabantayang low pressure area sa silangan ng bansa.

Natagpuan kaninang alas-kwatro ng hapon ang LPA 1,070 kilometro silangan ng Eastern Visayas.

Mababa pa naman ang posibilidad na maging bagyo ito sa loob ng 48 na oras ngunit pwedeng lumapit uli ng bansa.

"Ito'y posibleng... tumambay dito sa may silangang hangganan ng PAR [at] posible ring makabalik sa loob," dagdag pa niya.

Maaari naman itong malusaw sa ibabaw ng Philippine Sea sa mga darating na panahon.

Show comments