MANILA, Philippines — Hindi lahat ng heinous crime convicts na napalaya gamit ang good conduct time allowance simula 2013 ang pinasusuko sa batas ni Pangulong Rodrigo Duterte, kung ihahambing sa bilang na inilabas ni Bureau of Corrections.
Kagabi kasi, kinulang ng halos 400 katao ang binanggit ng presidente na nakalabas ng kulungan gamit ang GCTA kahit nakagawa ng karumaldumal na krimen.
"‘[Y]ung lahat [ng] nakulong at na-release sa batas na ito, kayong 1,700, sumuko kayo at magparehistro sa BuCor," sabi ni Duterte kagabi sa Inggles.
Winika ito ni Digong kasabay ng utos niyang magbitiw si BuCor director general Nicanor Faeldon sa pagpapalaya sa kanila kahit na bawal daw ito sa Republic Act 10592.
Aabot sa 2,160 presong nakulong dahil sa karumaldumal na krimen ang maagang napalaya dahil sa GCTA mula 2013, batay sa isinumiteng datos ng BuCor sa Senate Blue Ribbon Committee.
Tila ang ginamit lang na datos ni Duterte ay ang mga convicts na napalaya noong administrasyon niya.
Nasa 1,714 kasi ang na-release sa ilalim ng administrasyong Duterte, habang 445 naman ang nakalabas sa ilalim ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Kinumpirma naman kanina ni presidential spokesperson Salvador Panelo na mali ang ginamit na datos ni Duterte.
"Saan mo naman nakuha 'yung 1,900?" tanong ni Panelo sa isang reporter Huwebes ng umaga.
Nang sabihin ng media na galing mismo sa BuCor ang mas mataas na bilang, ito ang tugon ni Panelo: "Eh 'di 'yun yung tama."
Tinutukoy nila ang naunang 1,914 figure na sinabi ng BuCor, na napalaya mula 2014.
Paliwanag ni Panelo, dapat bumalik ng kulungan ang nabanggit na mga indibidwal dahil hindi pa nila natatapos ang kani-kanilang sintensya.
"Nananatili ang katotohanan na walang ligal na batayan ang release nila," dagdag ng tagapagsalita ng presidente.
"Dahil diyan, wala 'yang bisa... kaya nananatili ang sintensya. Kaya pwede sila uling arestuhin... dahil disqualified sila sa benepisyong ibinibigay ng Republic Act 10592."
Una nang sinabi ng Palasyo at Department of Justice na hindi pwedeng bawasan ng sintensya ang mga "convicted of heinous crimes, escapees, habitual delinquents and recidivists" batay sa batas.
Iniutos na rin ng DOJ sa Bureau of Immigration and Deportation na maglabas ng lookout bulletin laban sa mga napalabas na convict.
Bato mapapanagot ba?
Samantala, nakwestyon din ngayong araw kung bakit hindi napapanagot si Sen. Ronald "Bato" dela Rosa bilang Bureau of Corrections director general.
Nagsilbi si Dela Rosa sa nasabing ahensya noong 2018, kung saan 120 heinous crime convicts ang kanyang pinalaya gamit ang GCTA, ayon sa panayam sa kanya ng DZMM.
"Pagdating kay Dela Rosa, nangangailangan 'yan ng karagdagang imbestigasyon kung bakit niya pinirmahan ang mga release papers na 'yon," sabi ni Panelo.
Iba naman daw kasi ang kaso ni Faeldon, dahil siya ang iniimbestigahan sa ngayon at sinuway niya ang utos ni Duterte.
Maaalalang sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na dapat mapanagot si Dela Rosa kaugnay nito.
"Kung merong violation sa point of view nung hindi nasunod ‘yung department order, na kailangan may prior approval ng Secretary of Justice, hindi maitatatwa na may dapat ding panagutan or ipaliwanag si Senator Bato," ani Lacson sa parehong istasyon ng radyo. — may mga ulat mula kay Paolo Romero