MANILA, Philippines – Mabubuking na kung sino ang nag-text sa asawa ni dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez na si Elvira Sanchez tungkol sa muntik nang paglaya ng mister nito kahit pa nasira ang kanyang cellphone matapos umanong ibato.
Ito ang ipinahiwatig kahapon ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III matapos hingin ang tulong ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Gregorio Honasan.
Sinabi ni Sotto na ngayon (Huwebes) niya malalaman kung totoong may nag-text sa numerong ibinigay ni Mrs. Sanchez sa komite.
Matatandaan na sa unang pagharap ni Mrs. Sanchez sa Senado, sinabi nito na may nag- text sa kanya tungkol sa paglaya ng asawa. Pero itinanggi ni Sanchez na kakilala niya ang nag-text.
Ayon kay Sotto, malalaman kung bakit alam ng sinasabing nag-text kay Mrs. Sanchez kung bakit maaga niyang nalaman ang impormasyon.
“Bakit alam niya na, maaga pa? Bakit alam niya na lalabas na? If in case the number that is traced that sent the text or called the number of Mrs. Sanchez on August 20, in the early hours of August 20, is a prepaid number, still we will be able to find out where it emanated from. Did it emanate from the Bilibid Prison, or outside? We will know dahil may cell site sila doon,” paliwanag ni Sotto.