MANILA, Philippines — Sa dokumentong naisapubliko ngayong araw, lumalabas na isa si noo'y Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos sa mga humiling na mabigyan ng "executive clemency" ang rape with homicide convict na si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.
Ipinadala ni Marcos ang liham kay Pangulong Rodrigo Duterte noong ika-29 ng Mayo taong 2017.
"Inilalapit namin sa inyo ang problema ni G. ANTONIO L. SANCHEZ, dating alkalde ng Calauan, Laguna at nagdurusa ng kanyang sintensya sa Maximum Security Compound ng New Bilibid Prison," sabi ng liham ng dating first lady sa Inggles.
READ: Letter of then Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos in May 2017 to President Duterte asking him to consider granting executive clemency to rape and murder convict Antonio Sanchez @PhilippineStar pic.twitter.com/Tb6QfazNEK
— Paolo S. Romero (@PaoloSRomero) September 3, 2019
Ayon pa kay Marcos, na nahatulang guilty sa pitong counts ng graft taong 2018, masyado nang matanda si Sanchez kung kaya't nararapat na raw siyang mapakawalan sa kulungan.
"Ngayo'y 71-anyos na, umaasa siyang mapalalaya sa kulungan dahil sa katandaan at lumalalang kalusugan," sabi ni Marcos dalawang taon na ang nakalilipas.
"Nagpapakita ang nasabing sirkumstansya ng balidong atensyon pagdating sa kanyang ugali, pagkatao... mental at health condition na nagbibigay katwiran sa rekomendasyon ng executive clemency."
Gayunpaman, isiniwalat ni presidential spokesperson Salvador Panelo na ibinasura ng Bureau of Corrections ang aplikasyon ng clemency noong ika-27 ng Pebrero, 2019.
Muling naging kontrobersyal ang pangalan ni Sanchez, na nahatulan ng ilang terms ng reclusion perpetua sa pang-hahalay at pagpatay sa dalawang University of the Philippines students, matapos lumutang ang balitang baka makalaya siya sa pamamagitan ng good conduct time allowance law.
Kasunod ng galit ng taumbayan, sinuspinde ang pagproproseso ng GCTA habang sumasailalim sa review ng isang inter-agency committee.
Kasalukuyan ding nagtatalo ang Bureau of Corrections at Department of Justice sa tamang interpretasyon ng Republic Act 10592 kung pwede bang bigyan ng GCTA ang mga gumawa ng heinous, o karumal-dumal na krimen.
Panelo hindi raw nakialam
Samantala, itinanggi naman ni presidential spokesperson Salvador Panelo na inirerekomenda raw niya na mabigyan ng clemency si Sanchez.
Binanggit kasi ni Board of Pardons and Parole executive director Reynaldo Bayang na sumulat sa kanya si Panelo para isangguni ang hiling ng pamilya ni Sanchez na siya'y mapalaya.
Isiniwalat ni Board of Pardons and Parole executive director Reynaldo Bayang na sumulat sa kanya si Presidential Spokesman Salvador Panelo para i-refer ang hiling ng pamilya ni dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez para mabigyan siya ng executive clemency. pic.twitter.com/yM97XcSSYR
— News5 AKSYON (@News5AKSYON) September 3, 2019
Ang intindi tuloy ng marami, in-endorso ng tagapagsalita ng presidente na mapakawalan si Sanchez, na kliyente niya noong dinidinig ang rape-slay case.
"Malayo ang ulat na ito sa katotohanan at nakikita [ko] ito bilang mapanira," sabi ni Panelo sa isang press briefing Martes sa Inggles.
Aniya, ni-"refer" lang niya ang pamilya sa nararapat na ahensya, ang BuCor, katulad ng iba pang sumusulat sa kanyang tanggapan.
"Standard operating procedure ng Office of the Chief Presidential Legal Counsel na tumugon sa lahat, lahat ng sulat na natatanggap at isangguni sila sa tamang departamento o ahensya para asikasuhin ang kanilang problema," sabi ni Panelo.
Kahit na abogado raw ni Sanchez si Panelo, itinatanggi niya na may pangingialam siyang ginawa para maagang mapakawalan ang rapist.
Napakarami rin daw na nagpapadala ng sulat sa kanyang opisina, na pare-pareho lang daw niyang inaasikaso nang walang pagkiling.
"Ang referral letter ni Mrs. Marie Antonelvie Sanchez, na anak ni Sanchez, sa Board of Pardons and Parole, ay iisa lang sa libu-libong referral na ginawa ng opisinang ito sa iba't ibang government instrumentalities," dagdag niya.
Una nang inakusahan ng pamilya ng biktima ni Sanchez na may kinalaman si Panelo sa diumano'y maagang pagmamaniobra para mapalabas ang convict.
'Nakipag-usap sa pamilya'
Sa kabila nito, inamin ni Panelo na nakipagkita siya nang personal sa pamilya ni Sanchez.
"Sinabi ko sa kanila, 'Ang Bureau of Corrections ang magdedetermina kung aaprubahan ang aplikasyon niyo o hindi. Wala kaming magagawa. Susundin namin ang batas,'" patuloy ng spokesperson.
Pinuntahan daw siya ng pamilya ni Sanchez sa kanyang opisina matapos matanggap ang sulat nila sa e-mail, bagay na "hindi personal" at "opisyal" na trabaho lang.
'Yan ang kanyang sinabi kahit na natanong na siya sa Beijing kung nagkakaroon siya ng komunikasyon sa pamilya ng dating kliyente.
Pero paliwanag ni Panelo, hindi raw niya nasagot nang tama ang tanong at inakalang si ex-mayor Sanchez mismo ang tinutukoy ng reporters.
Hindi raw niya agad sinabi sa media na nakipag-usap siya sa pamilya dahil "naka-record" naman ang lahat ng ito, at maaaring masilip ng lahat.
'Di na rin daw siya nag-inhibit sa nasabing kaso kahit na dati siyang abogado ng kriminal.
"Hindi dahil idine-direhe ko lang sila sa nararapat na otoridad. Ni-rerefer ko ang lahat ng sulat sa parehong paraan." — may mga ulat mula kay Paolo Romero at News5