MANILA, Philippines — Matindi pa rin ang takot na nararamdaman ng mga magulang ni Eileen Sarmenta, ang University of the Philippines-Los Baños student na ginahasa at pinatay ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez at ng ina ni Allan Gomez na pinaslang din kasama ni Eileen noong 1993.
Humarap kahapon sa pagdinig ng Senate committee on justice and human rights sina Ma. Clara Sarmenta at asawa nitong si Roberto Sarmenta, mga magulang ni Eileen at ina ni Allan na si Iluminada Gomez tungkol sa kontrobersyal na Good Conduct Time Allowance (GCTA) law kung saan muntik nang mapalaya si Sanchez.
Ayon kay Mrs. Sarmenta, hindi niya masabi sa asawa niya na palagi siyang nanginginig at natatakot at masakit sa kanyang dibdib na nanumbalik ang nangyari sa anak noong 1993.
“Sa totoo lang po, araw-araw gabi-gabi nangininig po ako every time I see Sanchez sa TV. Tatawa-tawa pa siya,” sabi ni Mrs. Sarmenta.
Kinuwestiyon din ni Mrs. Sarmenta kung papaanong naging kuwalipikado sa GCTA si Sanchez gayong nabubuhay itong parang hari sa loob ng kulungan na may sariling kubol simula noong 1995 hanggang 2015.
Maging si Gomez ay nagpahayag ng matinding hinanakit at takot.
“Of course it was as painful as before…We are more fearful this time,” sabi ni Gomez na sumama pa ang pakiramdam kaya pinayuhan ni Gordon na dalhin sa clinic ng Senado.