MANILA, Philippines — Nararapat umanong arestuhing muli ang kolumnistang si Ramon Tulfo. Ito ang sabi ng kampo ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa kanilang opisyal na liham sa Philippine National Police.
Sa isang liham kay Philippine National Police Chief Oscar Albayalde mula sa abogado ni Aguirre na si TJ San Luis, idiniin niya na ito ay dahil umano ang kolumnista na mayroong nakabinbin na kasong libelo na inihain ni Aguirre sa Branch 46 ng Manila Regional Trial Court at nakapagpyansa, ay hindi humingi ng permiso mula sa korte na makapangibang bansa bilang bahagi ng entourage ni Pangulong Rodrigo Duterte sa China.
Sinampahan ng libelo ni Aguirre si Tulfo dahil sa “malicious, libelous and defamatory” na mga kolum nito sa isang pahayagan mula Abril ngayong taon.
Humihingi si Aguirre ng P150 milyon na moral damages, at mahigit P50 milyon sa exemplary fees at attorney’s fees mula sa mga kinasuhan.
Ayon kay San Luis, ang muling pagpapa-aresto kay Tulfo ay alinsunod sa Rule 114, Section 23 ng mga panuntunan ng hukuman na nagsasabing ang akusadong napalaya sa pamamagitan ng piyansa ay maaaring arestuhin muli nang walang warrant.