'Curfew hours' sa menor de edad mas striktong ipatutupad sa Maynila

Epektibo ang mas striktong implementasyon ngayong gabi, ayon kay Manila Mayor Isko Moreno.
File

MANILA, Philippines — Nanindigan si Manila Mayor Francisco "Isko" Moreno Domagoso na mas mahigpit nilang ipatutupad ang curfew para sa mga menor de edad bunsod ng lumalalang bilang ng "breach of peace and order" sa lungsod na kinasasangkutan ng kabataan.

Ayon daw kasi sa ulat ng kapulisan at estatistika, gumagawa raw ng kalokohan ang mga kabataang pagala-gala tuwing dis-oras ng gabi sa Maynila.

"[P]ara maabot ang layuning protektahan at itaguyod ang kapakanan ng mga bata sa Lungsod ng Maynila at upang masiguro ang katahimikan sa siyudad, LAHAT NG PUNONG BARANGGAY ay inuutusang mahigpit na ipatupad ang City Ordinance No. 8547 sa kani-kanilang lugar," sabi ng dokumentong nilagdaan ni Domagoso sa Inggles ngayong araw.

Ayon sa City Ordinance 8547 na ipinasa noong 2018, bawal magpalaboy-laboy, magpalakad-lakad at umistambay ang mga 17-anyos pababa mula alas-diyes ng gabi hanggang alas-kwatro ng madaling araw kung walang kasamang nakatatanda.

Pinalitan nito ang City Ordinance 8046 s. 2002 matapos maideklarang unconstitutional ng Korte Suprema noong ika-8 ng Agosto taong 2017.

Kagabi nga lang daw, umabot sa 22 bata ang nahuli sa Maynila ayon kay Juius Leonen, hepe ng Manila Public Information Office. 

Ilan daw sa mga batang nahuhuli ay "sabog" at lasing pa: "Trese anyos, red horse na tinitira... [N]agiging talamak na solvent sa Manila, nagiging talamak na pagtulog ng mga bata sa kalye," ani Domagoso.

Epektibo ang mas striktong implementasyon ngayong gabi. 

"Kailangan nating ibalik ang kaayusan sa Maynila. Epektibo ngayong araw, ngayong gabi, agad agad," dagdag ng Manila mayor.

Inatasan din ang Department of Social Welfare and Development ng Maynila na makipag-ugnayan sa mga punong baranggay at Philippine National Police para masigurong maayos na naipatutupad ang lokal na batas.

Kasalukuyang hinihingi ng PSN ang reaksyon ng Samahan ng Progresibong Kabataan tungkol sa aksyon ni Domagoso, ngunit hindi pa rin tumutugon sa panayam.

Ang SPARK ang kumwestyon sa naunang cufew law ng Maynila na ibinasura ng Korte Suprema.

Parusa sa magulang

Ayon pa sa alkalde, gagamitin daw nila ang Ordinance 8243 series of 2002, na in-adopt sa Ordinance 8547, para papanagutin ang magulang ng mga mahuhuling bata.

Narito ang mga kaukulang parusa ng mga diumano'y "pabayang" magulang:

  • 15 hanggang 17-anyos:  P2,000 multa at isang buwang kulong
  • 13 hanggang 14-anyos: P3,000 multa, tatlong buwang kulong 
  • 12-anyos pababa: P5,000 multa at anim na buwang kulong

"[K]ung dalawa yung bata, then dalawang tatlong libo, doble ang offense. [K]ung sinabi ng korte na kulong, ipapakulong sila," dagdag ng alkalde.

Exemption sa ordinansa

Sa kabila ng nasabing banta, hindi lahat ng mga batang matatagpuan sa langsangan ay huhulihin.

May ilang exemptions kasi na itinakda ang curfew ordinance sa Section 4 nito:

  • batang may kasamang magulang, guardian o nakatatandang may pananagutan sa menor
  • batang nagtratrabaho nang ligal sa mga oras na nabanggit dahilan para umuwi sila ng gabi
  • batang dumadalo, papunta o pauwi sa mga "official school, religious, recreational, educational, social, community" at iba pang pribadong aktibidad na isinasagawa ng lungsod, paaralan, komunidad atbp. na kinikilala ng baranggay
  • kapag may emergency situtation kung saan kailangang humingi ng tulong medikal o sa pulis
  • batang papunta o pauwi mula sa mga pagtitipon tulad ng get-together, ceremonial rites sa eskwela, misa at iba pang extra-curricular activities ng eskwelahan o organisasyon na mahalaga
  • batang 'di makauwi dahil sa ilang sirkumstansyang 'di niya kontrol

Show comments