CPP-NPA-NDF recruitment binatikos ng parents’ group
MANILA, Philippines — Binatikos ng League of Parents of the Philippines ang pagre-recruit ng Communist party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front sa mga estudyante upang maging rebelde.
Ayon sa LPP, maling i-recruit ang mga estudyante para sumali sa mga organisasyong Anakbayan, Kabataan party-list, League of Filipino Students, National Union of Students of the Philippines at iba pa dahil pagkalipas ng ilang buwan ay kukumbinsihin ng mga kadre ng CPP ang mga ito na sumali sila sa NPA upang sa mga liblib na kagubatan at lalawigan na sila manirahan.
Iginiit ng LPP na “masisira ang buhay at pagkatao” ng mga estudyante kung magiging aktibista at komunista at NPA ang mga ito.
Isa sa mga magulang na bahagi ng LPP si Relizza Lucena na ang grade 11 na anak na si Alicia alyas “AJ” ay na-recruit ng Anakbayan na alam niyang isa sa mga organisasyon ng NPA.
Ang masakit kay Gng. Lucena ay ibinalandra ng kanyang anak sa social media na hindi ito sariling pag-aari ng magulang nito kundi anak siya ng lipunan.
Idiniin ng LPP na pagpapakita na walang budhi at puso ang ginawa ng mga taga-Anakbayan na bigyan ng ‘bagong’ pananaw ang mga katulad ni AJ na sisira sa relasyon ng menor de edad at kabataan sa kanyang lipunan, lalo sa kanyang mga magulang.
Ngunit, maling-mali na maging bahagi ang mga batang katulad ni AJ ng mga organisasyon ng CPP-NPA-NDF para iabandona ang kanilang mga magulang habang binabatikos ang administrasyong Duterte, tugon ng LPP.
- Latest