MANILA, Philippines — Nangako si Pangulong Duterte sa mga Chinese investors na didisiplinahin ang mga nasa gobyerno at nakahanda siyang pakainin ng barya ang mga matatakaw na opisyal ng pamahalaan.
Sa isang business forum sa Beijing, China, tiniyak ng Pangulo na hindi niya papayagan ang korapsiyon sa kanyang administrasyon.
Sabi ng Pangulo na dapat lamang na iparating sa kanya kung sino ang mga ahente at abogado na manghihingi sa mga businessmen ng pera upang maipatawag ang mga ito at sa kanilang harapan ay pakakainin niya ng lumang pera at barya.
Hindi anya siya nagbibiro at ilang beses na rin niya itong nagawa at patuloy na gagawin hanggang hindi tumitino ang mga nasa gobyerno.
Inamin ng Pangulo na ilang mamumuhunan ang nagdadalawang isip na mag-invest sa Pilipinas dahil sa isyu ng peace and order at ng katiwalian.
Hindi aniya papayag ang Pangulo na manaig ang korapsiyon o maistorbo ang negosyo ng mga magtutungo sa Pilipinas.
Ibinida rin ng Pangulo na pinaigsi na niya ang proseso sa pagkuha ng mga permit sa loob ng dalawang araw.
Tiniyak din niya sa mga investors na makukuha nila ang kanilang “return of investments” at hindi rin magkakaroon ng problema sakaling kailangan nilang ialis ang negosyo sa Pilipinas.