MANILA, Philippines — Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang deputy director ng Bureau of Corrections ang isang retiradong heneral ng Philippine Army sa gitna ng kontrobersiyang kinasasangkutan ng BuCor kaugnay ng pagpapalaya ng maraming heinous crime convict dahil sa umano’y good conduct.
Batay sa listahan ng bagong presidential appointee mula Agosto 20-29 na ipinalabas ng Office of the President, itinalaga ni Duterte si Armed Forces Deputy Commander ng Northern Luzon Command Gen. Wilfredo Melegrito sa bago nitong puwesto noong Agosto 27.
Ginawa ng Pangulo ang appointment bago siya pumunta sa China.
Ang hakbang ng Pangulo ay ipinalalagay na posibleng pahiwatig sa napipintong pagbalasa sa BuCor na kasalukuyang pinamumunuan ni dating Marine Captain at dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon.
Si Melegrito ay miyembro ng Philippine Military Academy Sinagtala Class of 1986 na kabilang sa mistah o kaeskuwela ni dating PNP chief at ngayo’y Sen. Ronaldo “Bato” dela Rosa at incumbent PNP Chief Gen. Oscar Albayalde.