MANILA, Philippines — Maliban sa paninindigang pagmamay-ari ng Pilipinas ang West Philippine Sea, hiniling ng Bayan Muna party-list kay Pangulong Rodrigo Duterte na isulong na rin ang pagpapatanggal ng mga istrukturang militar sa mga inaangking bahura ng bansa.
"Dapat i-demand na rin niyang buwagin ng China ang military installations nila sa mga reefs natin na paglabag sa desisyon ng tribunal," wika ni Neri Colmenares, Bayan Muna chair, sa isang pahayag sa Inggles.
Ito ang panawagan ng progresibong grupo kay Duterte matapos niyang makipag-usap kay Chinese president Xi Jinping Huwebes sa isang bilateral meeting.
Sinabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo na matatag na nanindigan si Duterte kahapon kaugnay ng 2016 arbitral ruling, na nagbibigay ng sovereign rights sa Maynila sa 200-nautical mile exclusive economic zone nito.
Isinalarawan daw ni Duterte ang arbitral award ng Permanent Court of Arbitration bilang "pinal, may bisa at hindi na maaapela."
Pero ayon kay Colmenares, sana raw ay iginiit na ni Duterte ang claims sa West Philippine Sea noong unang pagbisita pa lang sa Tsina, kaysa sa ikalima.
"Kung sa simula't simula pa lang ay inilaban na ni Pres. Duterte ang ating tribunal victory, sana'y hindi na naitatag ng Tsina ang pitong military bases sa mga bahura ng Pilipinas," dagdag ng militanteng lider.
Ang pitong Philippine-claimed reefs na tinutukoy ng Bayan Muna ay ang: Mischief Reef, Johnson South, Cuarteron, Fiery Cross, Subi Reef, McKennan Reef at Gaven Reef.
"Matapang na tumindig ang Vietnam sa island building ng Tsina kahit na wala silang naipanalong tribunal decision. Tayo pa na nanalo, tayo pa 'yung astang talo," dagdag ni Colmenares.
Xi hindi nagpatinag kay Duterte
Sa kabila ng diumano'y paninindigan ni Duterte na sa Pilipinas ang West Philippines Sea, naging matigas naman si Xi na kanila ito.
"Pinanghawakan ni president Xi ang posisyon ng gobyerno niya na hindi kilalanin ang arbitral ruling," sabi ni Panelo.
Matatandaang binalewala rin ng 2016 PCA ruling na kanila ang buong 3.5 million square kilometer South China Sea gamit ang nine-dash line claim..
Gayunpaman, sinabi ni Panelo na nagkasundo sina Duterte at Xi na hindi magiging hadlang sa pakikipagkaibigan ng Tsina at Pilipinas ang magkataliwas na pananaw sa teritoryo.
"Iisa sila sa pananaw na ang alitang ito ay hindi ang kabuuan ng Philipine-Chinese bilateral relationship," patuloy pa ng tagapagsalita ni Digong.
Ayon naman kay Jay Batongbacal, director ng University of the Philippines Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea, hindi na kagulat-gulat ang muling pag-itsapwera ni Xi sa arbitral ruling.
"Ang mabilis na pagtutol ni Xi sa award ay inaasahan," sabi ng maritime expert sa panayam sa PSN.
"Ang anumang ibang posisyon ay makikita bilang kahinaan at makokompromiso ang interes ng Tsina."
Tulungan sa pagpapaunlad
Kaiba sa sinabi ni Duterte na sa Pilipinas ang West Philippine Sea, iniangat naman daw ng presidente ang posibleng joint exploration nito ng Tsina at Pilipinas para sa likas yaman.
Nobyembre 2018 nang lagdaan ng Maynila at Beijing ang isang memorandum of understanding sa pakikipagtulungan sa "oil and gas development."
"Sa parte ni president Xi, sinabi niyang ang nilikhang steering committe ang dapat maghanda ng programa para diyan," sabi ni Panelo.
Una nang sinabi ni Senior Associate Justice Antonio Carpio na labag sa 1987 Constitution ang nasabing joint exploration at "exploitation."
Ayon naman kay Philippine Ambassador to China Jose Santiago Sta. Romana, minamadali na ni Duterte ang joint development sa dahilang "natutuyo" na ang Malampaya gas field sa Palawan.
Sabi naman ni Batongbacal, magbubukas pa naman daw ang oil and gas deal ito ng mga panibagong round ng negosasyon sa pagitan ng dalawang partido at petroleum industry nominees.
"Malayo-malayo pa bago tayo bago dumating sa kongretong kasunduan," sabi niya. — may mga ulat mula kay Alexis Romero