MANILA, Philippines – Inihayag ni Sen. Bong Go na dapat nang matuldukan ang problema ng mga Filipino sa mataas na bayarin sa mga highly specialized medical procedures, kagaya ng liver transplant sa bansa.
Sa isang pulong kasama ang ilang opisyal ng gobyerno at private healthcare practitioners, hinimok ni Sen. Go ang mga ito na magkaloob ng trainings sa healthcare professionals at ayusin ang koordinasyon sa mga kinauukulang health agencies at private health institutions upang maharap ang nasabing isyu.
Natukoy sa meeting na ang kakulangan sa highly specialized medical equipment, kakulangan ng training para sa liver transplantation ng medical personnel at mahal na gamot ay kabilang sa pangunahing dahilan kung kaya napakamahal ng liver transplant procedure sa bansa
Dahil sa mga problemang ito kaya ang mga pasyente ay mas pinipiling sumailalim sa mas murang medical operations sa ibang bansa, kagaya sa India.
Inihalimbawa ni Go ang kaso ng dalawang sanggol na may biliary atresia, sina Eren Arabella Crisologo at Dionifer Zephaniah Itao, na dinala sa India para sa operasyon sa tulong na rin mismo niya at ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Sa kasamaang palad, nagkaroon ng kumplikasyon si baby Eren kaya hindi na-survive ang operasyon,” ang gunita ni Sen. Go.
Ang biliary atresia ay isang bihirang kondisyon kung saan ang bile duct ng pasyente ay barado kaya naapektuhan ang liver.
Kapag apektado na ang atay, nangangailangan na ang isang pasyente ng transplant.
Tumatama ang biliary atresia sa mga sanggol.
“Kung mayroon sana tayo dito sa Pilipinas na mga kailangang equipment, mas maraming well-trained specialists at mas murang operasyon, hindi na sana kailangan magpagamot pa sa ibang bansa ang mga pasyenteng ito,” ani Go.