Palasyo tinanggap ang 'Recto Bank apology'; Mangingisda 'di ito kinagat

Maliban sa pagbabayad ng danyos sa "Recto 22," sinabi ng Pamalakaya na makababawi lang ang Tsina kung ititigil nila ang pag-ookupa ng Philippine fishing waters at rerespetuhin ang karapatan ng Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea.
File

MANILA, Philippines — Tinanggap ng Malacañang ang tawad na hiningi ng may-ari ng bangkang Tsinong nakabangga't nakapagpalubog sa sinasakyan ng mga Pilipinong mangingisda sa Recto Bank nitong Hunyo.

Sa isang pahayag, sinabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo natutuwa sila't inako ng ship owner ang responsibilidad sa insidenteng naglagay sa 22 Pinoy sa bingit ng kamatayan.

"Tinatanggap namin ang paumanhin na ipinaabot ng may ari ng sasakyang pandagat sa ating mga mangingisda kaugnay ng insidente," ani Panelo sa isang pahayag sa Inggles.

Ikinalulugod din ng gobyerno ang "pagpapakumbaba" ng may-ari at pagkilalang kailangang nilang magbayad ng danyos perwisyos sa naabala.

Ipinadala sa Embahada ng Pilipinas sa Beijing ang liham ni Chen Shiqin, presidente ng Guangdong Fishery Mutual Insurance Association, ayon sa Department of Foreign Affairs.

Sinasabing miyembro raw ng grupo nila ang may-ari ng Chinese vessel, na una nang pinangalanan bilang "Yuemaobinyu 42212" ng Chinese Embassy, na umararo sa Gem-Ver 1.

Dati nang sinabi ng kanilang embahada na naroon ang mga Tsino para mangisda, kahit na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas ang Recto Bank.

Bilateral talks sa Tsina

Inilabas ang paumanhin nang tumulak si Pangulong Rodrigo Duterte patungong Tsina para sa kanyang ikalimang pagbisita roon.

Ngayong araw, Huwebes, nakatakdang magharap sina Duterte at Chinese president Xi Jinping para isang bilateral meeting.

"Inaasahang dadalhin ni presidente Duterte sa kanyang bilateral talk kay president Xi ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, na bumabalewala sa pang-angkin ng Tsina kaugnay ng EEZ ng Pilipinas at West Philippine Sea," dagdag ni Panelo.

Pag-uusapan din daw ang code of conduct at "framework" ng posibleng joint exploration ng West Philippine Sea sa pagitan ng Tsina at Pilipinas.

Militanteng mangingisda 'di kumbinsido

Samantala, tinawag namang "long overdue," 'di sinsero at 'di katanggap-tanggap ng isang fisherfolk group ang paumanhin ng mga Tsino.

"Gawa-gawang statement lang 'yan para pabanguhin sina Duterte at ang Tsinong nang-argabyado para palabasin na meron talaga silang ginagawa pagdating sa hinihinging katarungan ng mga Pilipinong mangingisda," wika ni Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pamalakaya.

Giit ni Hicap, hanggang sa ngayon ay talamak pa rin daw ang Chinese Coast Guard at banyagang mga barko sa katubigan ng Pilipinas.

Ikinagalit din nina Hicap ang posisyon ng Chinese association na aksidente at hindi sinasadya ang nangyari sa Recto Bank.

"Walang sorry na makatatanggal sa takot na dinanas ng mga Pilipinong mangingisdang iniwan para mamatay ng Chinese vessel, hindi rin maibabalik ng papel na 'yan ang mga nasira ng Chinese reclamation at poaching sa West Philippine Sea," sabi pa ni Hicap.

Aniya, kating-kati na raw ang mga oligarkong tsino na "dambungin" ang likas-yaman ng West Philippine Sea, bagay na nailantad sa paglagda sa terms of reference ng Philippines-China joint gas and oild exploration.

Maliban sa pagbabayad ng danyos sa "Recto 22," sinabi ng Pamalakaya na makababawi lang ang Tsina kung ititigil nila ang pag-ookupa ng Philippine fishing waters at rerespetuhin ang karapatan ng Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea. — may mga ulat mula kay Alexis Romero

Show comments