May-ari ng Chinese vessel na nakadisgrasya sa 'Recto Bank 22' nag-sorry
MANILA, Philippines — Pormal nang humingi ng tawad ang may-ari ng Chinese vessel na nakabangga ng mga mangingisdang Pinoy sa Recto Bank ilang buwan na ang nakararaan, ayon sa liham na inilathalata ng Department of Foreign Affairs, Miyerkules.
Matatandaang nangyari ang insidente sa loob ng Philippine exclusive economic zone noong ika-9 ng Hunyo, dahilan para lumubog ang Gem-Ver 1 na may lulang 22 Pilipino.
Inilabas ng DFA ang liham, na nagmula sa isang Chinese "association" sa Twitter ngayong hapon.
"Ang may ari ng bangkang Tsino, sa pamamagitan ng aming Asosasyon, ay labis na humihingi ng tawad sa mga mangingisdang Pilipino," sabi ng liham sa Inggles.
— DFA Philippines (@DFAPHL) August 28, 2019
Hindi naman tinukoy kung anong asosasyon ang nabanggit sa sulat. Inisalin din ng isang embahada ang nasabing liham, na hindi klaro kung Embahada ng Tsina.
"Buti na lang at walang namatay. Nagsisisi ako na dapat pang mangyari ito at ipinaaabot namin ang aming simpatya sa mga Pilipinong mangingisda," dagdag ng sulat.
Ayon sa imbestigasyon, nakarehistro ang bangkang Tsino sa Guandong at miyembro raw ng nasabing asosasyon ang shipowner.
Humihingi na rin daw ang asosasyon ng karagdagang impormasyon mula sa may-ari ng bangka, kapitan at crew nito at nakapaghanda na ng "accident investigation report."
Matatandaang sinabi ng crew ng Gem-Ver 1 na tinakbuhan sila ng mga Tsino matapos mangyari ang insidente habang madilim pa.
Sinaklolohan naman daw sila ng mga mangingisdang Vietnamese na nasa paligid kinalaunan.
Nasa loob din ng West Philippine Sea ang Recto Bank, na kasalukuyang pinag-aagawan ng Tsina, Pilipinas at iba pang claimants sa Asya.
'Hindi sinasadya pero pananagutin'
Sa kabila ng pag-araro sa bangkang Pinoy at pag-abandona sa 22 mangingisda, nanindigan ang Tsinong asosasyon na hindi sinasadya ang insidente.
"Sa ngayon, kahit na naniniwala kaming hindi sinasadya ang pagkakamali, dapat akuin ng Chinese fishing boat ang responsibilidad sa aksidente," dagdag ng liham.
Suwestyon ng asosasyon sa panig ng Pilipinas, maghain ng apela para sa danyos perwisyos na nakabatay sa aktwal na pinsala.
"Uudyukin ng aming asosasyon ang may-ari ng bangkang pangisda na makipag-ugnayan sa panig ng Pilipinas upang mapabilis ang claim sa compensation nang naaayon sa procedures ng insurance claim," pagtatapos ng sulat.
Nakatakdang makipag-usap si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga opisyales ng Tsina at naniniwalang makikinig ang kanilang panig oras na banggitin ang arbitral ruling.
"Alam mo naman, lagi nilang sinasabing kaibigan natin sila at pwedeng makipag-usap tungkol sa kahit ano ang magkakaibigan," sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo.
Presidential spokesman Salvador Panelo thinks China will have "open ears" when President Duterte raises arbitral ruling: "After all, they keep on saying we're friends and friends can always talk about anything." @Philippinestar @Philstarnews
— Alexis B. Romero (@alexisbromero) August 28, 2019
Matatandaang kinatigan ng Permanent Court of Arbitration ang claims ng Pilipinas kontra Tsina sa West Philippine Sea noong 2016.
Gayunpaman, matatandaang sinabi ni Duterte na hindi pipigilan ng gobyerno ng Pilipinas na mangisda ang mga Tsino sa EEZ ng bansa. — may mga ulat mula kay Alexis Romero
- Latest