Utos sa DOJ at BuCor Sanchez ‘wag palayain - Digong

MANILA, Philippines — Inutos na ni Pangulong Duterte sa Department of Justice (DOJ) at Bureau of Corrections (BuCor) na tiyaking hindi makalalabas ng kulungan si dating Calauan mayor Antonio Sanchez.
Sa panayam kay Sen. Bong Go sa pagdiriwang ng National Heroes day sa Libingan ng mga Bayani, sinabi nitong nagbigay na ng direktiba ang Pangulo kina DOJ Secretary Meynardo Guevarra at BuCor Chief Nicanor Faeldon na huwag i-release ang convicted rapist at murderer na si Sanchez na una ng napaulat nuong isang linggo na posibleng makalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Sa GCTA, umiikli ang panahon na dapat ilagi ng isang bilanggo sa kulungan dahil ibinabawas ang mga panahon na naging mabuti siya o nagpakita ng “good conduct.”
Binigyang diin ng Senador na pinag-aralan ng Pangulo ang Republic Act 10592 at malinaw aniyang hindi saklaw na mabigyan ng karapatang makalaya ang mga presong nahatulan ng guilty dahil sa heinous crime.
Bunsod nito, bumuo na si Guevarra ng task force na magre-review sa guidelines sa pagbibigay ng GCTA.
Plano ni Guevarra na matapos ang pag-review sa loob lamang ng 10 araw para hindi maapektuhan ang mga bilanggong valid o karapat-dapat namang mapagkalooban ng GCTA lalo na ang mga presong nagbago na sa loob ng kulungan.
Una dito’y nagpahayag na ng pagkagalit ang Presidente sa mga napaulat na posibleng maging malaya si Sanchez na lumikha ng public outrage.
Nasentensiyahan si Sanchez at anim pa niyang bodyguard dahil sa panggagahasa at pagpatay kay Eileen Sarmenta at pagpaslang kay Allan Gomez.
Kapwa estudyante ng UP-Los Baños, Laguna ang dalawa nang maganap ang krimen.
- Latest