Pamilya Sarmenta at Gomez tatakbo sa korte

Sinabi rin ni Iluminada Gomez, ina ni Allan, na kahit sinabi ni Pangulong Duterte na hindi makakalaya si Sanchez ay hindi pa rin sila makuntento dahil may impluwensiya at backer si Sanchez.
gulfnews.com

MANILA, Philippines — Nakatakdang mag­hain ng petisyon sa korte ang pamilya nina Eileen Sarmenta at Allan Gomez upang harangin ang posibleng paglaya ni dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez dahil sa Republic Act 10592.

“Magsusulat pa rin po kami ng petisyon ng request na hindi siya palalabasin but we have to consult our lawyer kasi, gusto namin in black and white na nagpetisyon kami hindi lang dito sa mga interviews,” pahayag ni Clara Sarmenta, ina ni Eileen.

Inamin ni Ginang Sarmenta na nagdudulot sa kanila ng matinding bangungot ang ulat na posibleng makalaya si Sanchez.

Sinabi rin ni Iluminada Gomez, ina ni Allan, na kahit sinabi ni Pangulong Duterte na hindi makakalaya si Sanchez ay hindi pa rin sila makuntento dahil may impluwensiya at backer si Sanchez.

Ipinagtataka rin ni Sarmenta kung bakit tanging ang pangalan lamang ni Sanchez ang palaging binabanggit sa 11,000 bilanggo na posibleng makalaya dahil sa good conduct time allowance (GCTA) sa ilalim ng RA 10592.

“Hindi ako nakatulog ng tatlong araw... ngayon lang ako nakapahinga. Sa dinami-dami na priso­nero na 11,000, bakit si Sanchez ang binanggit nila dyan? ‘Yan po pinagtataka namin eh,” sabi ni Sarmenta.

Sinabi rin niya na bumabalik na naman sa kanila ang sakit na naram­daman 26 na taon na ang nakakaraan dahil sa pagbuhay sa isyu at sa posibilidad na makalaya ang gumawa ng karu­mal-dumal na krimen sa kanilang anak.

“It’s so ironic na sana nakaka-move on na po kami after 26 years and alam niyo naman 26 years is too long to bring back the pieces of life we went through, ngayon bumalik na naman,” wika niya.

Nagbigay din ng reaksyon si Sarmenta sa sinabi ni Sen. Ronald dela Rosa na maaring bigyan ng ikalawang pagkaka­taon si Sanchez ka­tulad ng iba pang bi­langgo na posibleng makalaya dahil sa RA 10592.

Ayon kay Sarmenta, hindi dapat bigyan ng ikalawang pagkakataon ang katulad ni Sanchez na isang halimaw at salot sa lipunan.

Binanggit din ni Sarmenta na nabawasan ang hirap at sakit na kanilang ipinaglalaban matapos tiyakin ni Duterte na hindi makakalaya si Sanchez.

“Mahal na Pangulo nating Duterte, nagpapasalamat kami,” sabi ni Sarmenta.

Nakatakdang im­bestigahan ng Senado kung papano kinuwenta ang GCTA ni Sanchez sakaling kasama nga ito sa listahan ng 11,000 bilanggo.

Balak din ng ilang senador na amyendahan para matiyak na hindi makalaya ang mga katulad ni Sanchez na gumawa ng karumal-dumal na krimen.

Show comments