MANILA, Philippines — Tatlong kabataang lalaki ang dinukot para puwersahin umanong maging kasapi ng rebeldeng New People’s Army (NPA).
Ito ang ibinulgar ni 1st Lt. Amadeuz Celestial, Civil Military Operations Officer ng Army’s 60th Infanty Battalion (IB), matapos dumulog sa tropa ng militar ang mga magulang ng mga tinedyer na nagmamakaawang tulungan silang maibalik ng buhay ang kanilang mga anak.
Sinabi ni Celestial, base sa salaysay ng mga magulang ng mga menor de edad na ang insidente ay naganap kamakailan pero hindi agad ng mga ito naireport sa mga awtoridad sa pag-asang naimbitahan lamang at ibabalik ng mga rebelde ang kanilang mga anak.
Ayon sa mag-asawang Emerito at Marife Tanoko, puwersahang tinangay ng mga rebelde ang kanilang dalawang anak na lalaki na edad 17 at 16 patungo sa kabundukan ng Laak, Compostella Valley.
Inireport rin ni Larry Masalote na ang kaniyang 17 anyos na anak ay binihag ng NPA kasama ang magkapatid na Tanoko.
Inamin ng mga magulang ng mga biktima na natakot silang magsuplong agad sa mga awtoridad dahil baka patayin ang kanilang mga anak.
“The local government of Laak is already assisting the families of the kidnapped teenagers,” anang opisyal.