Lalabag sa RA 10592 tanggal sa puwesto

MANILA, Philippines — Matatanggal sa puwesto at habambuhay na hindi na puwedeng magtrabaho sa gobyerno bukod pa sa multang P100,000 ang ipapataw sa sinumang opisyal at empleyado ng gobyerno na lalabag sa kontrobersiyal na Republic Act 10592, ang batas na posibleng maging daan sa paglaya ng nasa 11,000 bilanggo kasama si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.

Sa Section 6 o Penal Clause ng batas na ipinasa noong 2013, pinatitiyak na maipatutupad nang maayos ang batas at may kaakibat na parusa sa mga lalabag.

Ipinaalala ni Sen. Nancy Binay na ang anumang pagkakamali sa pagkuwenta ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) ay maaaring maging daan para sa kawalan ng hustisya.

Sabi ni Binay, dapat maging maingat ang Bureau of Corrections (BuCor) at Bureau of Jail Ma­nagement and Penology (BJMP) sa pagkuwenta ng GCTA dahil posibleng may mapalayang bilanggo kahit hindi naman pasok sa RA 10592.

Kapag nagkamali sa kuwenta, hindi na ito maaring i-revoke o bawiin.

Anya, dapat bigyang pansin din ang iba pang kaso na nabigyan ng Credits for Preventive Imprisonment (CPI) at GCTA dahil mara­ming interpretasyon sa “good behavior.”

 

Show comments