Severe tropical storm Ineng bumilis; Batanes signal no. 2 pa rin

Mula sa 20, kumaripas nang kaonti patungong 25 kilometro kada oras ang bilis nito sa direksyong hilaga hilagangkanluran.
Released/Pagasa

MANILA, Philippines — Pumaspas nang bahagya ang bilis ng bagyong Ineng, na naging severe tropical storm kaninang umaga, ayon sa huling weather forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration.

Mula sa 20, kumaripas nang kaonti patungong 25 kilometro kada oras ang bilis nito sa direksyong hilaga hilagangkanluran.

"[S]a... dulong hilagang Luzon, hindi po natin ina-allow na maging kampante ang ating mga kababayan natin doon, particularly na rin ho sa Cagayan province, Isabela at sa ilang bahagi pa... ng northern Luzon kung saan ay maaapektuhan ng bagyong Ineng sa mga susunod na oras," ulat ni Loriedin Dela Cruz, weather specialist ng PAGASA.

Namataan ang bagyo 500 kilometro silangan ng Tugegarao City, Cagayan kaninang alas-diyes ng umaga na nagdadala ng hanging may lakas na 95 kilometro kada oras malapit sa gitna.

Bubugsu-bugso din ito hanggang 115 kilometro kada oras.

Nakataas pa rin ang tropical cyclone wind signal no. 2 sa probinsya ng Batanes.

Nasa ilalim naman ang signal no. 1 ang mga sumusunod:

  • Cagayan kasama ang Babuyan Group of Islands
  • Isabela
  • Apayao
  • Kalinga
  • Northern Abra
  • Ilocos Norte

Mababa pa rin ang tiyansang mag-landfall ito at inaasahang lumabas ng Philippine area of Responsibility bukas ng gabi.

"Ito namang kaulapang napapansin natin na nag-eextend dito sa Palawan, northern Palawan, sa Southern Luzon, maging sa Visayas ay dulot ho 'yan ng southwest monsoon, 'yung na-eenhance niya na Habagat dahil sa presence ng bagyong Ineng," dagdag ni Dela Cruz.

Halos buong Luzon ang maulap at uulanin ngayong araw, ngunit manipis lang ito sa Metro Manila kung kaya't hindi pa masyado inuulan ang lugar.

Mahina hanggang katamtaman lang ang inaasahang pagsungit ng panahon sa Kamaynilaan.

Show comments