MANILA, Philippines — Sa kabila ng iba't ibang violation na ginawa ni dating Calauan Mayor Antonio Sanchez habang nakakulong, 'di masabi ng Palasyo kung nararapat siyang palayain.
Una nang naiulat na posibleng maisama si Sanchez sa 11,000 preso na mapapalaya matapos ilapat retroactively ang Republic Act 10592, na nag-aawas sa sintensya ng convict batay sa mabuting asal ng preso.
"I don't think that's for me to respond because there is a law eh," sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo, na tumayong abogado ni Sanchez noong 1993.
Pinatawan ng pitong terms ng reclusion perpetua si Sanchez kaugnay ng paggahasa at pagpatay sa UP Los Baños students na sina Eileen Sarmenta at Allan Gomez.
Hindi makapagkomento si Panelo kung nagpamalas o hindi ng "good conduct" ang dating kliyenteng rapist sapat para mapalaya kahit nahulihan siya ng P1.5 milyong halaga ng shabu sa kanyang selda taong 2010.
"As I said, hindi namin turf 'yan. Turf 'yan ng DOJ [Department of Justice]. Kung ano ang batas, dapat sundin nila 'yon," sabi niya.
Ayon sa mga otoridad, itinago raw ng dating Calauan mayor ang droga sa loob ng imehen ng Birheng Maria.
Bukod pa rito, nakumpiska rin ang isang air conditioning unit at telebisyong flat-screen sa sa kanyang selda noong 2015, ayon sa ulat ng GMA.
Nahulihan din daw siya ng shabu at marijuana habang nasa loob ng Bilibid, ayon sa ulat ng The STAR noong 2006.
Sa kabila ng "hindi pagkasigurado" sa asal ni Sanchez sa kulungan, sinabi ni Panelo na dapat walang paglabag ang inmate habang nakakulong para masabing merong good conduct.
"Kasi kapag sinabing good conduct, wala kang infraction. Kasi even inside the Bureau of Prisons, there are regulations. So if you violate that, there is an infraction," dagdag ng tagapagsalita.
Nanindigan din siya na wala siyang kinalaman sa posibleng paglaya ng kriminal dahil naipasa ang RA 10592 noong panahon ni dating Pangulong Beningo Aquino III.
Usapin ng 'second chance'
Kahapon, matatandaang sinabi ni Sen. Ronald dela Rosa na okey lang na mapalaya si Sanchez basta't mapagdesisyunan ng Board of Pardon and Paroles.
"[W]hy not?" sabi ni Dela Rosa sa panayam ng ANC. "They deserve a second chance in life."
Maliban pa rito, nanindigan si Bato na nagbago na raw si Sanchez matapos ipasok sa rehas. Makatutulong din daw ito para mapaluwag ang mga kulungan sa bansa.
"According to some correction officers, nagbait na raw... changed man na talaga siya," dagdag ng senador.
Ayaw namang magsalita ni Panelo kung deserve ni Sanchez ng ikalawang pagkakataon sa buhay.
"Hindi ko alam eh. Kasi, since I do not know kung good behavior siya doon o hindi," dagdag niya.
Ayon naman kay Edre Olalia, president ng National Union of People's lawyers, sana'y tignan pa ng gobyerno ang ibang salik pagdating sa pagkwe-kwenta sa GCTA: pagsisisi, paghingi ng tawad sa biktima, atbp.
Gayunpaman, mapakikinabangan naman daw ng ibang preso ang umiiral na batas, lalo na kung hindi sila "latak ng lipunan" gaya ni Sanchez.
Matatandaang sinabi ni Clara Sarmenta, ina ni Eileen, na hindi pa humihingi ng tawad ang inmate at hindi pa nagbabayad ng danyos perwisyos.
Tinutulan din ni Sen. Risa Hontiveros at Sen. Franklin ang posible niyang paglaya.
'Di pa pinal
Sa kabila ng inaning pagkundena, sinabi ng Palasyo at Bureau of Corrections na hindi pa naman tiyak ang kasasapitan si Sanchez sa ngayon.
"Si Sanchez is not yet released, we've not even reviewed his papers," sabi ni Faeldon.
Dagdag pa ni Faeldon pag-aaralan din nila ang reaksyon ng ilan patungkol sa mga paglabag na ginawa ni Sanchez habang nasa karsel.
"Those are records that will definitely disqualify you for a certain period of time na hindi ka entitled sa good conduct time allowance," paliwanag niya.
"Hindi lang si Sanchez, marami 'yan dito."