MANILA, Philippines — Hindi kinampihan ng dating abogado ng Duterte Youth party-list ang planong pagpapatalsik ni dating National Youth Commission chair Ronald Cardema kay Commission on Elections commisioner Rowena Guanzon.
Sa isang pahayag Miyerkules, sinabi ni attorney Larry Gadon na hindi niya matutulungan ang dating kliyente para ma-impeach mula sa pwesto.
"Hindi pwedeng ipa-impeach si Com. Rowena Guanzon dahil lang sa pag-intindi at paglapat niya ng batas sa Party-list at age limitation nito kung youth party-list representative ka," ani Gadon sa Inggles.
"Sadyang walang grounds para sa impeachment kontra sa sinasabi ni Cardema."
Una nang kinansela ng Comelec First Division ang nominasyon ni Cardema nitong Agosto matapos maghain ng substitution kasunod ng pag-atras ng limang nominado ng nasabing party-list.
Ilan sa mga reklamong hinaharap niya ay ang pagiging "overaged" para maging kinatawan ng kabataan sa Kamara.
Siya'y 34 na kahit dapat 25 hanggang 30-anyos lang ang mga nauupong youth representative sa House of Representatives, ayon sa Section 9 ng Republic Act 7941.
Matatandaang sinabi ni Roland Cardema na posibleng mapa-impeach si Guanzon kung may tutulong sa kanila.
Sa panayam ng ANC, sinabi ni Cardema na meron silang "malalakas" na ebidensya laban kay Guanzon pero hindi niya ito ipinakita sa telebisyon.
Hindi naman na daw nagulat si Guanzon sa planong pagpapa-impeach sa kanya.
"Sabi ko sa inyo maghahain siya ng impeachment complaint eh. Betrayal of public trust ba na i-disqualify siya dahil masyado na siyang matanda?" ani Guanzon sa isang tweet.
"Gumaganti lang 'yan kasi naunsyami ang pangarap niyang magkamal ng milyong pork barrel funds."
Ikinalungkot naman ni Gadon ang bangayan nina Cardema at Guanzon, na pareho niyang kaibigan.
"Nalulungkot ako sa mga sinasabi ni Cardema laban kay Guanzon na sa tingin ko'y walang batayan at nagmumula sa misguided na galit at emosyon," dagdag ni Gadon.
Isyu ng 'pangingikil'
Nitong Sabado, inakusahan ni Cardema si Guanzon ng pagpapadala ng "bagman" upang maningil ng pera kapalit ng accreditation ng kanilang party-list, na nanalo ng seat sa Kamara.
"Kakasuhan namin kayo ng pangingikil kapalit ng aming accreditation," ani Cardema. "Pinapalabas niya na siya ang biktima, kami sa Duterte Youth ang biktima."
Aniya, ilang buwan na raw silang "hawak sa leeg" ng commissioner.
Nagpakita naman siya ng censored screenshots ng mga mensaheng ipinadala diumano ng emisaryo ni Guanzon. Itinanggi naman ni Guanzon ang mga akusasyon.
"Ang sabi ni Cardema nanghihingi ako ng 2 milyon sa kanya. Duda nga akong meron siyang P500k sa bank account niya," sabi Guanzon.
Hindi rin daw naniniwala si Gadon na may kapasidad ang Comelec commissioner na mang-extort.
"Pareho kaming magkaibigan nina Cardema at Guanzon pero hindi ako naniniwalang mangingikil siya para paboran si Cardema. Hindi niya ugali 'yon," sabi ng Gadon.
Aniya, kaysa manira siya ng imahen ay meron naman daw ibang pwedeng gawing procedural remedies.
"'Yung pagiging mainitin ng ulo ni Cardema at 'out of line' statements niya ang dahilan bakit ko tinanggian ang kaso niya nang tawagan niya ako sa telepono... Naaawala ako sa kanya at good luck sa susunod niyang legal move."
Dating tumayong abogado si Gadon para sa Duterte Youth noong pinag-iisipan nilang kasuhan ang aktor na si Jim Paredes kaugnay ng "bullying" issue sa Edsa Shrine.
Parehong kilalang supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte sina Gadon at Cardema.