Panelo itinangging may kinalaman sa posibleng paglaya ng convicted rapist

Matatandaang naging bahagi ng defense councel ni Sanchez si Panelo noong 1993, na nahatulan ng pitong terms ng reclusion perpetua sa panggagahasa sa University of the Philippines — Los Baños student na si Eileen Sarmenta at pagkamatay ni Allan Gomez.
Videograb from Presidential Communications Facebook

MANILA, Philippines — Nanindigan si presidential spokesperson Salvador Panelo na hindi siya nakialam sa napipintong posibleng paglaya ni ex-Calauan Mayor Antonio Sanchez, na napatunayang nagkasala sa panghahalay at pagpaslang taong 1995.

Matatandaang naging bahagi ng defense counsel ni Sanchez si Panelo noong 1993, na nahatulan ng pitong terms ng reclusion perpetua sa panggagahasa sa University of the Philippines — Los Baños student na si Eileen Sarmenta at pagkamatay ni Allan Gomez.

Depensa ni Panelo, matagal na siyang umatras bago pa man i-apela ang kaso.

"Mukhang masyadong malayo naman yun, 27 yrs ago pa ako abogado nun dati, nagwithdraw na ako even before the appeal," sabi ni Panelo sa isang phone patch interview.

"'[D]i na kailangan [ng] kahit sinong tao mag-intervene o lumakad."

Una nang iniulat ni Justice Secretary Menardo Guevara na maaari siyang makalabas matapos ilapat retroactively ng Korte Suprema ang isang batas noong 2013 na nagtataas sa "good conduct time allowance."

Ito rin ang kinumpirma ni Bureau of Corrections director general Nicanor Faeldon sa panayam ng DZMM.

"Maaaring makakasama siya [Sanchez] sa more or less 11,000 na mga person deprived of liberty na makakalabas in the next 2 months," wika niya.

Aniya, maaaring umabot sa 200 PDL ang mapakawalan araw-araw kaugnay nito.

Nang tanungin si Panelo kung anong tingin niya sa posibleng paglaya ni Sanchez, ito ang kanyang sinabi: "Kailangan nating sumunod sa rule of law," sabi niya sa Inggles.

Bagama't wala raw siyang kinalaman dito, aminado naman si Panelo na matutuwa siya oras na nakalabas ng kulungan si Sanchez.

"Gaya ng mafi-feel ng sinumang dating nag-abogado, matutuwa [ang] isang abogado na yung kliyente niya 27 years ago makakalaya na [at] magkakaroon na ng kanyang bagong buhay," dagdag ng tagapagsalita ng presidente.

Sanchez may kapit sa itaas?

Hindi naman kinagat ng pamilya ng isa sa mga biktima ang ideyang malinis ang kamay ni Panelo.

"Gusto po naming malaman ng publiko, na si Secretary Panelo ay isa pong legal counsel ni Sanchez. Kaya baka masyado po siyang malakas kasi meron po siyang backer, backer na napakalakas sa ating pamahalaan," sabi ni Clara Sarmenta, ina ni Eileen sa isang radio interview.

Ipinagtataka raw nina Sarmenta kung paano ang naging proseso dahil dapat daw ay sinasabihan ang mga naargabyadong partido kung nag-aapply ng parole ang nagkasala, maliban sa paglalathala sa pahayagan.

Maliban dito, hanggang sa ngayon ay hindi pa raw humihingi ng tawad at walang pinakikitang pagsisisi ang convict.

"Siyempre bilang ina ng biktima, ako'y nagulantang sa balitang 'yan kasi, kagabi pagdating ko ang bumungad sa asawa ko at sa akin ay baka nga makalaya na si Sanchez," dagdag niya.

Balak daw ng kanilang panig na magtungo sa Board of pardons and Parole upang siguruhin kung naghain ng aplikasyon si Sanchez.

Samantala, pinabulaanan naman ni Guevarra na may kinalaman si Panelo sa nangyayari.

"Walang dahilan para maniwala akong nakialam ang sinuman, pati si Sec. Panelo," sabi ng DOJ secretary.

Meron naman daw kasing tala ang New Bilibid Prison sa good conduct ng mga PDL at tanging "ministerial" lang daw ang pagkwekwenta ng GCTA. — may mga ulat mula kay Alexis Romero

Show comments