MANILA, Philippines — Bagama't naging bagyo na ang noo'y low pressure area sa silangan ng Catanduanes, inaasahang lilihis sa kapuluan ang Tropical Depression Ineng.
"Hindi naman natin po inaasahan na magla-landfall sa anumang bahagi ng bansa itong ating tropical depression na si Ineng," ani Meno Mendoza, weather specialist ng Pagasa kaninang umaga.
Kahit hindi nakikitang tatama sa lupa, inaasahang magiging tropical storm ang bagyong Ineng anumang oras.
Natagpuan ang bagyo 975 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes kaninang alas-kwatro ng madaling araw at may lakas na 55 kilometro kada oras.
Meron din itong pabugsu-bugsong hangin na aabot sa 70 kilometro kada oras.
Patuloy itong kumikilos sa direksyong pa-hilaga sa bilis naman na 10 kilometro kada oras.
Maaaring lumabas ng Philippine Area of Responsibility ang Ineng sa Linggo, ika-25 ng Agosto.
LPA, Habagat
Samantala, hindi lang ang bagyo ang nagdadala ng masamang panahon sa Pilipinas.
"Sa kasalukuyan, ang trough ng nasabing low pressure area, 'yan po'y nagdadala ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng Southern Luzon, Visayas at Mindanao," dagdag ni Mendoza.
Patuloy namang nakaaapekto ang southwest monsoon, o hanging habagat, ay patuloy pa ring makaaapekto sa dulong hilagang Luzon o Batanes.
Gayunpaman, hindi inaasahan ang paglakas ng nasabing weather system.
Bukas, makararanas ng kalat-kalat na katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan sa rehiyon ng Bicol.