MANILA, Philippines — Sa kanyang pagpanaw ngayong Lunes, muli nating balikan ang makulay na buhay ng environmental advocate na si Gina Lopez bago pa man siya nakilala ng kalakhan ng publiko.
Lingid sa kaalaman ng marami, nilisan niya ang marangyang buhay kasama ang pamilya Lopez — na nagmamahala ng istasyon ng telebisyon — upang maging misyunero sa loob ng 20 taon.
Taong 2016 nang ilahad ni Gina ang kanyang kwento sa isang essay na inilimbag ng Rogue Magazine, ilang araw bago siya italaga ng Pangulong Rodrigo Duterte bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources.
"Nag-aral ako sa Newton College of the Sacred Heart sa Boston, [USA], isang paaralang pinatatakbo ng mga madre," sabi ni Gina sa Inggles.
Noon pa man daw ay may interes na siya sa pagme-meditate, hanggang isinangguni siya ng nakilala mula Harvard sa isang "ashram" na nagtuturo ng nabanggit.
"Malalim ang naranasan ko. Napaluha ako, naramdaman ko ang isang bagay na 'di ko naranasan sa simbahan o eskwelahan. Nadama ko ang Banal na Pag-ibig. Binago noon ang buhay ko magpakailanman," dagdag niya.
Matapos ang unang taon niya sa kolehiyo, umuwi siya ng Pilipinas upang tumulong sa mga nasalanta ng bagyo.
Dumating ang panahon na tuluyan na niyang nilisan ang kanilang tahanan sa edad na 18: "Nadama kong may kailangan akong gawin."
"Kapag iniisip ko, nagugulat ako sa lahat ng nagawa ko. Umalis ako, tinalikuran ang lahat, dalawa hanggang tatlong set ng damit lang ang meron, at niyakap ang buhay celibate [pagtalikod sa pakikipagrelasyon] — sa edad na 18-anyos!"
Hirap ng buhay sa Africa
'Di lumaon, pormal na naging "yoga missionary" si Gina.
Nagtungo siya sa iba't ibang bansa: Portugal, India hanggang mauwi sa Africa — kung saan namuhay siya ng 11 taon.
Doon niya na rin nakilala ang dating asawa, na nagbigay sa kanya ng dalawang anak.
"Ang mga batayang responsibilidad ng Ananda Marga yoga missionary ay ang pagtuturo sa mga eskwelahang pre-primary na pinatatakbo ng mga yoga, maging sa mga batang mahihirap," sambit ni Lopez.
"'Ang pagsisilbi sa kapwa ay pagsisilbi sa Diyos' ang kanilang kasabihan."
Sa anim na taong inilagi niya sa Kenya, isang bansa sa Africa, tumira siya kasama ang mahihirap, kung saan pumipila siya para makakuha ng tubig at hindi maayos ang mga palikuran.
"Doon ko natutunan ang halaga ng tubig," kanyang paliwanag.
Iisa ang kanyang balde, na ginagamit niya para paliguan ang sarili at para labhan ang underwear.
"Kapag kakaonti ang pag-aari mo, pahahalagahan mo ang lahat. Nabuhay ako tulad ng mahihirap, kaya natutunan kong huwag mag-aksaya."
Kontradiksyon sa sinalihan
Bagama't marami siyang natutunang bagay na nagamit niya sa nalalabing bahagi ng kanyang buhay, aminado siya na hindi siya sang-ayon sa ilang bagay na kinailangan niyang gawin.
Ilan na rito ang pagbabawal sa kanilang makipagrelasyon, bagay na sa tingin niya'y hindi "healthy."
Kwinestyon din niya ang malaking pagdiin sa kanila ng pagsunod.
"Hindi nakabubuti ang bulag na pagsunod dahil isinusuko mo rito ang kakayahang umunawa. Mas mabuting mabuhay sa prinsipyo kaysa sa mga batas, dahil nagbabago ang mga sitwasyon sa buhay," kanyang pagpapatuloy.
Sa organisasyon, ipinadala siya sa mga lugar nang walang pera o kakilala.
Sa kabila nito, hindi naman daw niya naranasan na maubusan talaga ng rekurso o pagkain, at lagi naman daw natutugunan ang kanilang batayang pangangailangan.
"Tanging sa pagsasanay lang namin ako nagutom, dahil kailangan sa training ang pagkontrol sa pagkain. Sa tingin ko'y hindi ito nakabubuti sa ispiritwal na pag-unlad dahil hindi ka makapag-iisip habang gutom. Kaysa maramdaman mo ang Kabanalan, ang iniisip mo ay hapunan."
Pagbabalik sa Pilipinas
Sa kanyang pagtagal sa ibayong-dagat, kinailangan niya ring umuwi sa lupang pinanggalingan.
Umibig na kasi siya sa kanyang napangasawa, na dati niyang amo, na ipinagbabawal sa kanila.
Malaki rin daw ang paninibago niya nang muling lumapag sa Maynila sa gitna ng lahat ng flyover.
"Hindi ako mapakali dahil wala akong ginagawa. Sa Africa, ako ang naglalaba, nagluluto, namamalengke, naglilinis ng bahay at nagmamaneho. Nawala ang lahat ng 'yon," ani Gina.
Sa unang araw ng pagbabalik niya rin nalaman na siya'y nagdadalang-tao, kung kaya't alam niyang wala na siyang babalikang buhay sa Africa.
Nagtrabaho siya sa ABS-CBN Foundation sa pagtulak ng panahon, pinangunahan ang Pasig River Rehabilitation Commission at itinayo ang Bantay Bata — na tumatanggap ng mga reklamo ng pang-aabuso sa mga bata.
Habang nakaupo bilang environment secretary, nakabangga rin niya ang sari-saring mining corporation nang ipasara niya ang mga ito bunsod ng mga paglabag.
Namatay si Lopez sa edad na 65 ngayong araw sanhi ng "multiple organ failure," ayon sa pahayag ng ABS-CBN.
"Hamon ang buhay. Naririyan ang mga negatibong pwersa at nariyan din ito sa ating sarili. Kinakailangan lang na alam natin ito," kanyang panapos.