Visa Upon Arrival hinihigpitan na

Sinabi ni Guevarra sa isang pahayag na hinihigpitan na ng DOJ at ng kakabit nitong ahensiya na Bureau of Immigration ang mga patakaran sa pagpapalabas ng visa upon arrival (VUA).
Rudy Santos

MANILA, Philippines — Hinihigpitan na ng pamahalaan ang mga patakaran sa pagbibigay ng visa sa mga Chinese pagdating ng mga ito sa Pilipinas.

Ito ang ipinahayag kahapon ni Department of Justice Secretary Menardo Guevarra ilang linggo makaraang magpahayag ng pagkabahala ang ilang opisyal ng pamahalaan sa pagdagsa sa bansa ng napakaraming Chinese national.

Sinabi ni Guevarra sa isang pahayag na hinihigpitan na ng DOJ at ng kakabit nitong ahensiya na Bureau of Immigration ang mga patakaran sa pagpapalabas ng visa upon arrival (VUA).

“Nais naming limita­han sa 30 araw ang maximum permissible period, i-blacklist ang mga overstaying alien tiyakin ang non-convertibility ng work visa at parusahan ang mga travel agencies na lumalabag sa mga patakaran,” paliwanag ng kalihim.

Sa kasalukuyang patakaran, ang VUA ay mayroong bisa na 30 araw pero maaaring mapalawig ng hanggang anim na buwan.

Sa VUA program, ang mga turistang Chinese ay maaaring mag-aplay ng visa pagdating nila sa bansa sa halip na mag-aplay muna sa embahada at konsulado ng Pilipinas sa China.

Show comments