Murang kuryente mararamdaman sa Oktubre o Nobyembre
MANILA, Philippines — Tiniyak ni Sen. Sherwin Gatchalian na mararamdaman ng mga electric consumers ang bagong Murang Kuryente Act sa Oktubre o Nobyembre o bago matapos ang 90 araw.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na sa batas na isinulong ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, hindi na ang mga electric consumers ang sasalo ng universal charge na ginagamit sa pambayad ng utang.
Sa halip, gagamitin na ang kita taun-taon mula sa Malampaya funds para ibayad sa utang kaya mawawala na ang universal charge na pinapasan ng mga consumers.
Sinabi pa ni Gatchalian na ang Department of Finance at Department of Energy ang naatasan na maglabas ng implementing rules and regulations para agad na maramdaman ng mga consumers ang batas.
Sa ngayon ay umaabot sa siyam na sentimo per kilowatt hour ang universal charge at kung hindi ito matatanggal ay aabot ng hanggang 90 centavos sa susunod na anim na taon.
Inihalimbawa nito ang isang ordinaryong consumer na gumagamit ng nasa 200 kilowatt kada buwan na makakatipid ng nasa P190 kada buwan na maari na umanong ipambili ng nasa 4 hanggang 5 kilong bigas.
- Latest