MANILA, Philippines — Nagpahayag nang pag-aalala sina Senators Cynthia Villar at Ronald dela Rosa na samantalahin ng ilang magpapanggap lamang na trans woman ang paggamit ng CR na inilaan para sa mga kababaihan.
Ayon kay Villar, okay lamang gumamit ng toilets ng mga babae ang mga totoong miyembro ng LGBT pero delikado kung hindi naman sila totoong trans woman.
Ayon naman kay dela Rosa, maaaring maabuso at magamit ng mga “manyak” na lalaki ang paggamit ng mga CR na inilaan para sa mga babae.
“Pagpasok niya sa CR magbabakla-bakla siya. Magsusuot siya ng babae, ayon bakla. Papasok doon sa loob ng CR ng babae tapos gagawa ng kalokohan,” sabi ni dela Rosa.
Idinagdag ni Villar na dapat ay gumawa na lamang ng karagdagang toilet para sa mga LGBT o kaya ay ipagamit muna ang nakalaan para sa mga persons with disabilities (PWD).
Anya, may mga pagkakataon na may kuwestiyon pa rin kung totoong babae ang gustong gumamit ng CR ng mga babae.
Hangga’t wala pa aniyang “gender-sensitive” CR ay ipagamit na muna ang CR ng mga PWDs.