200 pirasong kalansay sa Manila North Cemetery nagkalat, ipinalibing
MANILA, Philippines — Inilibing sa isang "mass grave" ng main circle ng Manila North Cemetery ang mahigit kumulang 200 bungo at buto na nakitang pakalat-kalat sa loob at labas ng sementeryo, Martes.
Ang mga labi ay nakitang itinapon na lang daw kung saan-saan: sa ibabaw ng apartment, bubungan at mga gilid-gilid ng bahay.
Umabot ng 56 sets ang butong natagpuan simula pa noong ika-3 ng Agosto, ayon sa anunsyong inilabas ng lokal na pamahalaan ng Maynila Miyerkules ng umaga ngunit may petsang ika-6 ng Agosto.
"Walang tala at tracking ang administrasyon ng Manila North Cemetery sa mga nakuhang buto, kaya hindi na ito makikilala," sabi ni Roselle Dr. Castañeda, officer-in-charge ng MNC.
Ang muling paglilibing daw, sabi ni Castañeda, ay para na rin mabigyan ng respeto ang mga yumao.
Anong nangyari?
Ipinagtataka rin ng Manila City Government kung bakit ganito na lang ang nangyari sa himlayan.
"Wala pong paliwanag kung bakit nakakalat lang ang mga buto, sabi ni Director Castañeda," sabi ni Lulius Leonen, hepe ng Manila Public Information Office.
"'Pag pasok daw po ng bagong admin, 'yan na ang tumambad sa kanila."
Pinangunahan ni Rev. Fr. Artemio "Tem" Fabros ng San Jose de Manggagawa parish ang pagbabasbas sa mass graving.
- Latest